Ang Buhay ng Palay
Tula ni
L.F. Basilio
Munting butil na tumbagang isinabog sa bukirin,
Nang tumubo’y tila damong anong inam pagmalasin
Mga daho’y makikitid na sa puno’y tila mandin
Kumakaway sa amihang kung humihip ay kaylambing!
Sa patak ng mga hamog ng malamig na umaga,
Sa sinag ng haring araw na may taglay na pag-asa,
Sa halik ng hanging-bukid na lagi nang nagsasaya,
Ang bukid ay naging kumot na luntiang anong ganda!
Ang malamig na Nobyembre nang dating ng panahon,
Palay natin ay namunga sa tulong ng mga ambon,
Nang ang araw ng Disyembre’y sumikat sa mahinahon,
Kabukirang dating lunti’y naging kulay ginto noon.
Ang uhay na mapipintog ng palay na tila ginto,
Nang humapay sa pilapil at sa linang ay yumuko,
Magsasaka’y nagsilabas na may galak bawat puso,
At ginapas ang biyayang sa bukid ay tumutubo.
Sa saliw ng mga biro at tawanang masisigla,
Ginapas ang ating palay, inani rin ang pag-asa,
Ang pag-asang kulay ginto ng bukas na maligaya,
Ng bukas na mariwasa ng bayan kong sinisinta.
Ang pagtatanim at pag-aani ng palay ay madalas na nagiging paksa ng mga kuwentong pangkabukirin. Palibhasa’y likas sa mga bukid sa Pilipinas ang tanawing ito, kaya’t masining na iginuguhit ng mga pintor sa kanilang paglalarawan ng mga buhay sa kabukiran.