Ang Pagtitipid
Tula ni Jose G. Katindig
Maging ang salapi, panahon at lakas,
Ay para ring ibong may bagwis at pakpak;
Kapag ang alaga’y di-wasto, di-tumpak,
Ikaw’y lalayuan at magsisilipad.
Kaya’t pag kumita ng konting salapi,
Itago’t mahalin kahit na kaunti;
Sa buhay ng tao’y may mga sandaling
Salapi’y panlaban sa dusa’t pighati.
Ang wastong paggugol ng ginto at pilak
Sa buhay ng tao ay nagpapaunlad;
Ang maling paggugol nama’y magsasadlak
Sa buhay ng tao sa balon ng hirap.
Ang bawat magtipid sa salaping kita,
Buhay ay katulad ng talang maganda;
Ang nakitang pilak, kapag inaksaya,
Buhay ay nagiging bulaklak na lanta.
Bawat mag-aksaya ng gintong panahon,
Ay halos katulad ng patay na kahoy;
Sa panahong ginto, ang wastong gumugol,
Buhay ay katulad ng punong mayabong.
Ang wastong paggamit ng bisig at lakas,
Malimit magbunga ng ligaya’t galak;
Kapag ang paggamit nito’y hindi tumpak,
Nagbubunga naman ng hapis at saklap.
Kaya’t ang lahat nang may hangad at nais
Na ang buhay nila’y gumanda’t dumikit;
Sa tuwa’t ginhawa’y lubos na magtalik,
Sa lakas, panahon, salapi’y… magtipid.
Ang mga matipid sa salapi’t lakas,
Saka sa panahong gintong tinatawag,
Ang buhay ay langit na maaliwalas,
Mayamang batisan, harding mabulaklak.
Ang maling gumugol at hindi matipid
Sa kuwalta’t panahon, sa lakas at bisig,
Buhay sa kaniya’y gabing sakdal sungit,
Bulaklak na tuyo, balong walang tubig.
Madalas kayong bigyan ng pera ng inyong mapagmahal na magulang, at maminsan-minsa’y nagtatamo rin kayo ng salapi buhat sa pagbili ninyo ng gulay na naaani sa inyong halamanan o kaya’y sa pagbibili ng mga kasangkapang ginagawa ninyo sa paaralan. Ano ang ginagawa ninyo sa inyong perang tinatanggap? Ginugugol ba ninyong lahat? Sa salapi ba lamang dapat tayong maging matipid?