Ang Pakpak ng Buhay
Tula ni
Jose G. Katindig
Sa pugad ng isang pag-ibig na wagas,
Nilang kang inakay na buto at balat;
Ikaw’y inaruga’t minahal nang ganap,
Isip mo’y nilinang, buto’y pinatigas,
Kaya’t naging ibong matibay ang pakpak.
Nang maging ibon ka’t sa pakpak na angkin
Ay nalilipad na ang ibig liparin,
Sa mga tagumpay lubos kang nalasing;
Pugad na nilakha’y tinangkang gibain,
Ang nagpalang kamay ibig pang tukain.
Sa ganyang gawa mo’y dapat matalastas
Na di naman laging iyo ang itaas;
Bagwis, pag nasira’t nabali sa lipad,
Ikaw at ang madlang papuri’t palakpak,
Sa lupa’y pasubsob na magsisilagpak.
Sa pagkahibang mo sa lakas na angkin,
Nagbigay ng lakas, dinusta’t inuring,
Nilimot mong ganap iyang sawikaing:
SA PINANGGALINGAN, ANG HINDI TUMINGIN
SA PAROROONA’Y DI MAKARARATING.
Ang tulang ito’y nagpapagunita sa balana ng mga pinuhunang hirap at pagpapagod ng isang magulang sa kaniyang anak. Sa mga Silanganin ang pagpapasunuran at pagsasandugo ng mag-aanak at magkakamag-anak ay likas at katutubo. Ang ama ang pinakapuno sa isang tahanan at ang pinaka-matanda naman sa magkakamag-anak ang siyang lubos na pinagpipitaganan at pinagsasanggunian ng mga suliranin. Ang paraang ito ang siyang saligan ng pagkamasunurin sa batas at pagkamabuting mamamayan ng mga Silanganin noong unang panahon.