Ang Mangga at ang Bakawan
Tula ni Emilio Mar. Antonio
Sa libis ng isang mababaw na ilog,
May mga bakawang pahanay ang ayos;
Sa kabilang pampang nama’y nakatanod
Ang puno ng manggang malago’t matayog;
At sa kanyang sangang nangaglaylay halos,
Daho’y dumidila sa matuling agos.
Minsan ay napansin ng manggang malabay
Na nangagtutukod ang mga bakawan;
Bahagi ng puno’y di nangasasayang
Pagka’t pati sanga ay sinusuhayan;
Ito namang manggang palalo’t mayabang,
Sa pagmamalaki’y ito ang tinuran:
Hoy, mga kasamang loob ay mahina,
Ano’t tila kayo’y nangababahala?
Gayong walang hangi’t panaho’y payapa,
Tukod na nang tukod. Kayo ba’y may sira?
Sagot ng bakawan: Mabuti na yata
Ang handang parati’t nagkakamit-pala.
Umismid ang mangga’t ang wika marahil,
Mga ugat niya’y hindi masusupil;
Ngunit nang dumatal doon sa pampangin
Ang dahas ng isang bagyong umaangil,
Ang manggang matibay kung ating malasin,
Ay agad nabuwal sa lakas ng hangin.
Ngayon, ang bakawa’y marahang nagsulit:Kaibigang mangga, hayan ang nasapit –
Sa taas ng iyong mga panaginip.
Buong katawan mo’y nalublob sa putik;
Kaya alamin mong ang hampas ng langit,
Ay nasa gaya mong may palalong isip.
Nalalaman natin ang mga halaman at hayop ay hindi nakapagsasalitang paris ng tao; gayun pa man, sa tayog at yaman ng ating isipan, ay nagagawa nating papagsalitain ang mga ito na parang tunay na tao. Mahuhulaan kaya ninyo ang dahilan?