Ang Ilaw sa Altar
Tula ni
Ambrocio B. Villalon
Isang basong puting sa langis ay tigib
Ang ilaw ng aming maliit na altar;
Sa hihip ng hangi’y dumilat-pumikit
Ang ningas na munti ng basong ilawan.
Minsang isang gabi na lubhang pusikit
Ilaw naming ito ay biglang namatay
Aywan ko kung isa lamang panaginip
Ang tinig na noo’y aking napakinggan
Napabangon ako’t noon ay nagkiskis
Ng posporo… ilaw’y aking sinindihan.
Sa sinag ng ilaw na biglang gumuhit
Ang mukha ng Kristo’y aking natanawan –
Kung ang narinig ko’y ang banal Mong tinig…
Nananalig akong kami’y Iyong mahal!
Sa maraming tahanan sa Pilipinas ay karaniwan nang matagpuan ang mga altar na kinaroroonan ng larawan ng ating Panginoong Hesukristo at iba pang mga banal. Ang altar ay siyang pinagtitipunan ng mag-aanak sa kanilang tahanan kapag dumarating ang sandali ng pananalangin. Sa tulang ito ay marikit na nalalarawan ang matibay na pananalig ng isang taimtim na sumasamba. Bakit kaya may ilaw ang altar?