Ang Ina sa Anak

Tula ni

Benigno Zamora

Isang munting batang payat at may-sakit
Ang di mapalagay na hihigang banig;
Naroong ang mata’y idilat, ipikit,
O kaya’y umiyak sa paghihinagpis.

Sa dakong uluna’y naroon ang ina
Na luluha-luha’t lalo pang balisa;
Sa tanip ng dibdib na kakaba-kaba,
Kasama’y malalim na buntunghininga.

Noong maysakit, kung minsa’y tutupin,
Kung minsan ay hagkan nang buong panimdim;
“Gagaling ka, anak; ikaw ay gagaling,”
Ang bulong ng inang sa bunso’y pang-aliw.

Malamlam na titig at tuyot na ngiti,
Sa alo ng ina ay nagiging sukli;
Mga hirap mandi’y sadyang tinitimpi…
Ibig ay mabuhay – ang ina ang sanhi.

Walang anu-ano, at parang himala,
Ang anak na bunso’y nakapagsalita;
“Nanay, ako nga ba’y hindi na malubha?...

“Di ka maaano, minumutyang anak,
Ilang araw lamang at ikaw’y lalakas…”
Ang wika ng inang luha’y nalalaglag
Dahil sa malaking awa’t pagkahabag.

“Ang ating hininga, oh, anak kong hirang,
Ay iisang hiblang nagkabuhol lamang;
Kapag ang buhay mo’y napugto’t pumanaw,
Ang idurugtong ko’y sarili kong buhay.”

Ang pagmamahal ng isang ina sa kaniyang anak ay likas na katutubo. Iya’y pinatutunayan ng kaniyang mga pagod, hirap, sakit, at pag-aandukhang pinuhunan sapul nang isilang ang anak hanggang sa kaniyang pagsasarili sa buhay. Ngunit ilang anak ang nakakadama ng gayong mga pagpapakasakit ng ina? Basahin ang tulang ito at damhin ang pagkakalapit ng damdamin ng ina at ng anak.

Learn this Filipino word:

lakad-pagóng