Ako’y Pilipino

Tula ni

Teodoro E. Gener

1
Hindi ako iba, ako’y Pilipino,
Sumilang sa lupang mayama’t matao

Pulu-pulong lupang lumutang sa dagat,
tabi-tabing pulong may bundok at gubat,
alaga ng Araw sa ganda’t liwanag
mutya ng silangan ngala’t Pilipinas…

Nabuhay, lumaki, nag-aral, natuto,
Aking natutuhang nabubuhay tayo
Sa sariling lakas, sikap at talino…

Tayo’y may layunin at diwang maganda
na likas sa lahing may pagkakaisa,
marunong magtiis, maalam magbata,
pagka’t Pilipino sa diwa’t kaluluwa.

2
Ako’y Pilipino at hindi dayuhan,
Sa silangan tubo’t di tagakanluran.

May isang watawat at sariling wika,
anak-bansang sakdal tapang at malaya,
tiwasay ang buhay at puso’y payapa,
kalahi ni Rizal, karugtong sa diwa…

Ako’y kayumanggi’t kapatid sa kulay
Ng banat ang buto at salab sa Araw,
Dakila ang mithi at banal ang pakay…

Tapat at marangal sa kaisang palad,
Pagka’t Pilipinong taga-Pilipinas
At di magtataksil sa kanyang watawat,
Lalong di susuko kahit mawakawak…

3
At sa nagtatanong na kung ako’y sino,
Ang sagot ko’y tiyak, walang pagtatalo:

Ako’y anak-lahing may isang Bathala,
may isang watawat at sariling wika,
tumubo sa isang bayang masagana,
sa dugong bayaning nagsipanalasa…

Nabuhay sa hirap, sa hirap dudulang
Ng Pagsasarili’t tanging Kalayaan
Na kung tutuusin yaong kahuluga’y

kusang mabubuo sa pagsasabi
ng isang katagang tunay at totoo:
hinding-hindi iba yaring pagkatao,
Pilipinong likas, ako’y Pilipino.

Learn this Filipino word:

mabuti ang katawán