Ako’y Pilipino

Tula ni Jose G. Catindig

Sino Ako? Ako’y sino?
Pilipino ang sagisag

Na sa noo’y siyang tanda
nang sumilang sa liwanag;

Sa dugo ko at sa kulay,
sa anyo ko at sa tikas,

Sa buhay ko at gawai’y
buung-buong nasisinag

Ang anino at larawan
nitong Mutyang Pilipinas;

Nakikitang parang likha
ng salamin ng pangarap

Ang katutubong ugali,
ang kaloobang busilak,

Ang damdaming makabayang
walang maliw, walang kupas.

Ang puso na mahabagin
sa sinumang sawimpalad,

Ang giting at katapangan
ng bayaning nakilamas,

Ang dangal ng manggagawang
matiyaga at masipag;

Ang maganda nating langit,
ang masayang alapaap,

Ang araw na lumulubog
at ang buwang sumisikat,

Ang maibong papawirin
at maisda nating dagat,

Ang halamang malalago,
ang damuhang nakalatag,

Ang amihang umaawit
ang batisang nangungusap,

Ang maginto nating bundok,
ang makahoy nating gubat,

Ang kumersyo’t industriya
sa sarili nating pugad

At ang Wika na sinuso
sa magulang na naghirap.

Pag-ibig sa Demokrasya’t
Republikang Bagong Tatag,

Ang Pagmamahal sa Diyos,
Inang-Bayan at Watawat.

Sino Ako? Ako’y sino?
Ako’y Pilipinong ganap:

Pilipino sa damdamin,
sa gawain at sa hangad,

Pilipino sa ugali, sa salita,
pag-iisip at sa lahat:

Nalikha na Pilipino’t
Pilipinong mauutas.

Sa anong lahi tayong mga Pilipino nabibilang o kasama? Sa mga anong paraan natin maipakikita ang kaibhan ng Pilipino sa Hapones o Amerikano? Ano ang sanhi ng ating hugis o anyo at ugali?

Learn this Filipino word:

maybahay