Ako ay may Tatlong Ina

Tula ni Cirio H. Panganiban

Ako ay may tatlong Ina –
Inang-Ina, Inang-Wika’t, Inang-Bayan;
Utang ko kay ina ang aba kong buhay,
Utang ko sa wika yaring karangalan,
Sa baya’y utang ko ang kabayanihan.

Kaya, dahil sa kanila’y
Tatlo ang panatang di ko masisira;
Panata kong maging anak na dakila.
Mabuhay na laging tanggulang ng wika,
Mamatay sa piling ng ating bandila.

At pag ako’y ulila na,
Nag-iisa’t walang inang gumigiliw,
Walang Inang Wika’t bayan ma’y wala rin,
Kung wala ni isang inang maituring…
Buhay ma’y wala nang halaga sa akin.

Ang tulang ito ay sinulat ni G. Cirio H. Panganiban, Patnugot ng Surian ng Wikang Pambansa, bilang parangal sa Kaarawan ni Balagtas.

Learn this Filipino word:

halagáng gintô