Aking Ulap

Tula ni R. Alejandro

Lunday ka ng aking sanlibong pangarap,

Sa dagat na langit ay lalayag-layag;

Sa lundo ng iyong dibdib na busilak,

May buhay ang aking nalantang bulaklak.

Kung nagduruyan ka sa rurok ng langit,

Kalaro ng aking mga panaginip,

Ang lupang tuntunga’y di na naiisip,

Nalilipat ako sa ibang daigdig.

Isakay mo ako, oh Ulap kong giliw,

Ibig kong mahagkan ang mga bituin;

Ang lihim ng araw at buwang maningning,

Ibig ko rin sanang malama’t malining.

Sino mang taong maibigin sa magagandang tanawin ay dili ang hindi maaakit na humanga sa kimpal-kimpal na ulap na animo’y sadyang iginuhit sa pisngi ng maaliwalas na langit. Tunghan sa tulang ito ang mga inaasam-asam ng makata.

Learn this Filipino word:

ibilanggô sa mga bisig