Kabanata 50: - Page 2 of 2
Ang mga Kaanak ni Elias
(Ang Buod ng “Noli Me Tangere”)
Maganda ang kanilang hinaharap, ang kanyang kapatid na babae ay nakatakdang ikasal sa binatang nagmamahal sa kanya, ngunit ang kanilang kahapon ang nagwasak sa kanilang kinabukasan. Dahil sa kanyang salapi at ugaling mapag-mataas, isang malayong kamag-anak ang nagpamukha sa kanilang kahapong nagdaan. At ito ay pinatunayan ng isang matandang utusan nila. Iyon pala ang kanilang ama. Namatay na naghihinagpis ang kanilang ama dahil sa pag-aakalang siya ang naging dahilan ng kasawian nilang magkapatid. Pero, bago ito namatay naipagtapat niyang lahat ang kahapon ng magkakapatid.
Lalong binayo ng matinding kalungkutan ang kapatid ni Elias nang mabalitaan niyang ikinasal sa iba ang kanyang kasintahan. Isang araw nawala na lamang ito’t sukat. Lumipas ang anim na buwan nabalitaan na lamang ni Elias na mayroong isang bangkay ng babaing natagpuan sa baybayin ng Calamba na may tarak sa dibdib. Ito ang kanyang kapatid. Dahil dito siya ay nagpagala-gala sa iba’t-ibang lalawigan bunga ng iba’t-ibang pagbibintang tungkol sa kanya na hindi naman niya ginagawa. Dito natapos ang salaysay ni Elias.
Nagpalitan pa ng iba’t-ibang pananaw ang dalawa hanggang sa sabihin ni Ibarra kay Elias na sabihin niya sa mga sumugo sa kanya na siya (Ibarra) ay taus-pusong nakikiisa sa kanilang mga damdamin. Lamang, wala siyang magagawa kundi ang maghintay pa sapagkat ang sama ay di-nagagamot ng kapwa sama rin. Dagdag pa rito, sa kasawian ng tao siya man ay mayroong kasalanan din. Nang makarating na sila sa baybayin, nagpaalam na si Ibarra at sinabi kay Elias na siya ay limutin na at huwag babatiin sa anumang kalagayang siya ay makita nito. Nagtuloy si Elias sa kuta ni Kapitan Pablo at sinabi sa Kapitan na siya kung di rin lamang mamamatay ay tutupad sa kanyang pangako na aanib sa kanila sa sandaling ipasiya ng pinuno na dumating na ang oras ng pakikibaka sa mga Kastila.