Kabanata 13:
Mga Unang Banta ng Unos
(Ang Buod ng “Noli Me Tangere”)
Dumating si Ibarra sa libingan at hinanap ang puntod ng ama - si Don Rafael. Kasama niya ang isang matandang utusan niya. Sinabi ng matanda kay Ibarra, na si Kapitan Tiyago ang nagpagawa ng nitso ni Don Rafael. Ito anya ay tinaniman niya ng mga bulaklak ng Adelpa at Sampaga at nilagyan ng krus.
Nakita nina Ibarra at matanda ang sepulturero. Sinabi nila ang palatandaan ng libingan ni Don Rafael. Tumango ang tagapaglibing. Pero, nasindak si Ibarra ng ipagtapat ng sepulturero na kanyang sinunog ang krus at itinapon naman ang bangkay sa lawa dahil sa utos ni Padre Garrote. Higit umanong mabuti na mapatapon ang bangkay sa lawa kaysa makasama pa ito sa libingan ng mga Intsik.
Parang pinagtakluban ng langit at lupa si Ibarra. Nasindak siya ng husto. Ang matanda naman ay napaiyak sa kanyang narinig. Parang baliw na nilisan ni Ibarra ang kausap hanggang sa makasalubong niya si Pari Salvi na nakabaston na may puluhang garing.
Kaagad na dinaluhong ni Ibarra si Pari Salvi. Bakas sa mukha ni Ibarra ang nagalalatang na poot at galit sa dibdib. Nararamdaman iyon ni Pari Salvi. Tinanong ni Ibarra si Pari Salvi kung bakit nagawa nila ang malaking kalapastangan sa kanyang ama. Sumagot si Pari Salvi na hindi siya ang may kagagawan niyon kundi si Padre Damaso na tinawag na Padre Garrote.