Ikalimang Bahagi
(Ang Buod ng “Ibong Adarna”)
Kinaumagahan ay ipinatawag ni Haring Salermo si Don Juan. Masasakit ang katawan ng hari pero panahon na upang ipagkaloob niya ang isang anak sa prinsipe. Ang sabi ng hari kay Don Juan ay: Yamang naisakatuparan mo ang lahat nang inutos ko, mamili ka ngayon sa aking tatlong anak.
Sinamahan ng hari si Don Juan sa tatlong kuwartong magkakatabi at sadyang may tablang inilapat na may butas na tanging hintuturo lamang ng bawat bawat prinsesa ang makikita ni Don Juan at hindi ang kagandahan ng mga ito. Agad namang pinili ni Don Juan ang kamay ni Donya Maria, na may palatandaan ng kanyang naging malaking pagkakamali.
Nagalit ang hari sa dahilang si Donya Maria ay ang kanyang paboritong anak. Kaya naman, binalak niyang ipatapon si Don Juan sa Inglatera para sa kapatid nito siya ipakasal. Pero mabilis na nagtanan si Donya Maria at Don Juan. Dahil sa galit ng hari, isinumpa niya si Donya Maria, Ikaw nawa ay malimutan ni Don Juan. Ikaw ay kanyang pababayaan at pakakasal siya sa iba.
Sumpang naulinigan ni Donya Maria kaya't labis ang kanyang pag-aalala nang magpasya si Don Juan na iwanan muna siya para magtungo sa palasyo. Kaya naman mahigpit siyang nagbilin na huwag titingin at lalapit si Don Juan sa sinumang babae sa palasyo upang hindi siya magawang limutin nito.
Hindi na nakita ni Haring Salermo ang katuparan ng kanyang sumpa. Siya ay nagkasakit dahil sa matinding dalamhati na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
At nagbalik nga ng kaharian ng Berbanya si Don Juan upang hingin ang bendisyon ng amang hari. Ang sabik at matagal nang naghihintay na si Donya Leonora ay lumapit kay Juan. Dahil dito, iglap at nakalimot si Don Juan sa kanyang binitiwang pangako kay Donya Maria, isang katuparan ng sumpa ni Haring Salermo.
Hindi nagtagal ay itinakda ang kasal nina Don Juan at Donya Leonora. Samantala, natuklasan na ni Donya Maria ang kataksilan ni Don Juan dahil sa gagawing pagpapakasal sa ibang prinsesa. Nag-alimpuyo sa galit ang kanyang dibdib.
Lulan ng karosang ginto, nagpanggap na emperatriz si Donya Maria upang dumalo sa kasal nina Don Juan at Donya Leonora. Nang dumating si Donya Maria na naka-bihis emperatriz, namangha ang lahat. Maganda ang gayak ni Maria at litaw ang kanyang kagandahan. Ang pakay niya ay pigilin ang pag-iisang dibdib ng dalawa. Malugod na tinanggap ni Haring Fernando ang pagdalo ng emperatriz. Subalit hindi nakilala ni Don Juan na ang emperatriz ay walang iba kundi si Donya Maria. Nakiusap si Donya Maria sa hari na bago ikasal sina Don Juan at Donya Leonora ay magdaos muna ng munting palabas sa harap ng lahat. Sa pamamagitan ng dula-dulaan ay nagawang isalaysay ng mga negrito at negrita ang lahat ng pinagdaanang hirap ni Don Juan sa mga pagsubok na ibinigay ni Haring Salermo. Pinalo ng negrita ang negrito at tinanong kung naaalala nito ang mga ginawang pagtulong ni Donya Maria sa kanya sa kaharian ni Haring Salermo na kanyang ama. Sa tuwing papalo ang negrita ay hindi nasasaktan ang negrito kundi ay si Don Juan. Kaya naman, unti-unting nagbalik ang mga alaalang nangyari sa kanila ni Donya Maria. Noon din ay pinatotohanan ni Don Juan na ang lahat ng nasaksihang dula-dulaan ng mga negrito at negrita sa palasyo ay pawang mga katotohanan.