Kabanata 5: Halina, Laura
55 Halina, Laura aking kailangan
ngayon ang lingap mo nang naunang araw;
ngayon hinihingi ang iyong pagdamay —
ang abang sinta mo'y nasa kamatayan.
56 At ngayong malaki ang aking dalita
ay 'di humahanap ng maraming luha;
sukat ang kapatak na makaapula,
kung sa may pagsintang puso mo'y magmula.
57 Katawan ko ngayo'y siyasatin, ibig,
tingni ang sugat kong 'di gawa ng kalis;
hugasan ang dugong nanalong sa gitgit
ng kamay ko, paa't natataling liig.
58 Halina, irog ko't ang damit ko'y tingnan,
ang hindi mo ibig dapyuhang kalawang;
kalagin ang lubid at iyong bihisan,
matinding dusa ko'y nang gumaan-gaan.
59 Ang mga mata mo ay iyong ititig
dini sa anyo kong sakdalan ng sakit,
upang di mapigil ang takbong mabilis
niring abang buhay sa ikapapatid.
60 Wala na Laura't ikaw na nga lamang
ang makalulunas niring kahirapan;
damhin ng kamay mo ang aking katawan
at bangkay man ako'y muling mabubuhay!
61 Ngunit, sa aba ko! ay, sa laking hirap!
wala na si Laura'y aking tinatawag!
napalayu-layo't 'di na lumiliyag
ipinagkanulo ang sinta kong tapat.
62 Sa ibang kandunga'y ipinagbiyaya
ang pusong akin na at ako'y dinaya;
buong pag-ibig ko'y ipinang-anyaya,
nilimot ang sinta't sinayang ang luha.
63 Alin pa ang hirap na 'di na sa akin?
may kamatayan pang 'di ko daramdamin?
ulila sa ama't sa inang nag-angkin,
walang kaibiga't nilimot ng giliw.
64 Dusa sa puri kong kusang siniphayo,
palasong may lasong natirik sa puso;
habag sa ama ko'y tunod na tumino,
ako'y sinusunog niring panibugho.
65 Ito'y siyang una sa lahat ng hirap,
pagdaya ni Laura ang kumakamandag;
dini sa buhay ko'y siyang nagsasadlak
sa libingang laan ng masamang palad.
66 O, Konde Adolfo, inilapat mo man
sa akin ang hirap ng sansinukuban,
ang kabangisan mo'y pinapasalamatan,
ang puso ni Laura'y kung hindi inagaw.
67 Dito naghimutok nang kasindak-sindak
na umaalingawngaw sa loob ng gubat;
tinangay ang diwa't karamdamang hawak
ng buntung-hininga't luhang lumagaslas.
68 Sa puno ng kahoy ay napayukayok,
ang liig ay supil ng lubid na gapos;
bangkay na mistula't ang kulay na burok
ng kaniyang mukha'y naging puting lubos.
Tanging hiling ni Florante ay makita muli si Laura at siya'y arugain at damayan sa kanyang mga sakit tulad ng nakaraan. Halos sumuko ang puso ni Florante sa dahas ng panibugho lalo na kung naguguniguni niya sa si Laura ay humilig na sa kandungan ni Konde Adolfo. Para kay Florante ay matamis pa ang mamatay kaysa makita niyang si Laura ay nasa ibang kamay.
Hindi makapaniwala si Florante na si Laura ay magtataksil sa kanya dahil ang kagandahan ni Laura ay itinulad niya sa Langit. Kaya ang paniwala niya ang pag-ibig nito ay kasingtibay din ng Langit. Kailan man ay di pumasok sa kanyang gunita na ang kagandanhan ay malapit sa tukso at hindi kataka-taka na madaling mahulog sa tukso. Para kay Florante ay higit niyang nanaisin na ipagkaloob sa kanya ni Adolfo ang lahat ng kahirapan sa mundo kaysa inagaw sa kanya si Laura na kanyang irog. At dahil sa paghihirap ng kalooban ni Florante, siya ay nawalan ng malay, siya ay napayukayok sa punongkahoy na kinagagapusan at siya ay nagmistulang bangkay.