Kabanata 4: Daing ng Pusong Nagdurusa
33 Dito hinimatay sa paghihinagpis,
sumuko ang puso sa dahas ng sakit;
ulo'y nalungayngay, luha'y bumalisbis,
kinagagapusang kahoy ay nadilig.
34 Magmula sa yapak hanggang sa ulunan,
nalimbag ang bangis ng kapighatian;
at ang panibugho'y gumamit ng asal
ng lalong marahas, lilong kamatayan.
35 Ang kahima't sinong hindi maramdamin,
kung ito'y makita'y magmamahabagin
matipid na luha ay paaagusin,
ang nagparusa ma'y pilit hahapisin.
36 Sukat na ang tingnan ang lugaming anyo
nitong sa dalita'y hindi makakibo,
aakaying biglang umiyak ang puso,
kung wala nang luhang sa mata'y itulo.
37 Gaano ang awang bubugso sa dibdib
na may karamdamang maanyong tumitig,
kung ang panambita't daing ay marinig
nang mahimasmasan ang tipon ng sakit?
38 Halos buong gubat ay nasasabugan
ng dinaing-daing na lubhang malumbay,
na inuulit pa at isinisigaw
sagot sa malayo niyong alingawngaw.
39 Ay! Laurang poo'y bakit isinuyo
sa iba ang sintang sa aki'y pangako;
at pinagliluhan ang tapat na puso
pinaggugulan mo ng luhang tumulo?
40 'di sinumpaan mo sa harap ng Langit
na 'di maglililo sa aking pag-ibig?
Ipinabigay ko naman yaring dibdib,
wala sa gunita itong masasapit!
41 Katiwala ako't ang iyong kariktan,
kapilas ng langit anaki'y matibay;
tapat ang puso mo't 'di nagunam-gunam
na ang paglililo'y nasa kagandahan.
42 Hindi ko akalaing iyong sasayangin
maraming luha mong ginugol sa akin;
taguring madalas na ako ang giliw,
mukha ko ang lunas sa madlang hilahil.
43 'Di kung ako poo'y utusang manggubat
ng hari mong ama sa alinmang s'yudad,
kung ginagawa mo ang aking sagisag,
dalawa mong mata'y nanalong perlas?
44 Ang aking plumahe kung itinatahi
ng parang korales na iyong daliri,
buntung-hininga mo'y nakikiugali
sa kilos ng gintong ipinananahi.
45 Makailan, Laurang sa aki'y iabot,
basa pa ng luha bandang isusuot;
ibinibigay mo ay naghihimutok,
takot masugatan sa pakikihamok!
46 Baluti't koleto'y 'di mo papayagan
madampi't malapat sa aking katawan,
kundi tingnan muna't baka may kalawang
ay nanganganib kang damit ko'y marumhan.
47 Sinisiyasat mo ang tibay at kintab
na kung sayaran man ng taga'y dumulas;
at kung malayo mang iyong minamalas,
sa gitna ng hukbo'y makilala agad.
48 Pinahihiyasan mo ang aking turbante
ng perlas, topasyo't maningning na rubi;
bukod ang magalaw na batong d'yamante,
puno ng ngalan mong isang letrang L.
49 Hanggang ako'y wala't nakikipaghamok,
nag-aapuhap ka ng pang-aliw-loob;
manalo man ako'y kung bagong nanasok,
nakikita mo na'y may dala pang takot.
50 Buong panganib mo'y baka nagkasugat,
'di maniniwala kung 'di masiyasat;
at kung magkagurlis ng munti sa balat,
hinuhugasan mo ng luhang nanatak.
51 Kung ako'y mayroong kahapisang munti,
tatanungin mo na kung ano ang sanhi;
hanggang 'di malinang ay idinarampi
sa mga mukha ko ang rubi mong labi.
52 Hindi ka tutugot kung 'di matalastas,
kakapitan mo nang mabigla ang lunas;
dadalhin sa hardi't doon ihahanap
ng ikaaliw sa mga bulaklak.
53 Iyong pipitasin ang lalong marikit,
dini sa liig ko'y kusang isasabit;
tuhog na bulaklak sadyang salit-salit,
pag-uupandin mong lumbay ko'y mapaknit.
54 At kung ang hapis ko'y hindi masawata,
sa pilik-mata mo'y dadaloy ang luha,
napasaan ngayon ang gayong aruga,
sa dala kong sakit ay 'di iapula?
Hinimatay si Florante dahil sa sama ng loob. Nang siya ay mahimasmasan, nagpatuloy pa rin ang kanyang paghihimutok.
Ayon sa kanya, bago siya tumungo sa digmaan, may pabaon sa kanya si Laura ng luhaang bandang may letrang L, dahil natatakot si Laura na masugatan siya. Nang dumating siya na may munting galos, agad ginamot ni Laura. Kaya’t ngayo’y tinatanong niya sa kanyang sarili, kung nasaan na ang lahat ng pag-aaruga ni Laura sa kanya.