Kabanata 29: Ang Sinapit ni Laura

370   Salita'y nahinto sa biglang pagdating
ng Duke Florante't Prinsipe Aladin;
na pagkakilala sa boses ng giliw,
ang gawi ng puso'y 'di mapigil-pigil.

371   Aling dila kaya ang makasasayod
ng tuwang kinamtan ng magkasing-irog?
Sa hiya ng sakit sa lupa'y lumubog,
dala ang kanyang napulpol na tunod.

372   Saang kalangitan napaakyat kaya
ang ating Florante sa tinamong tuwa
ngayong tumititig sa ligayang mukha
ng kanyang Laurang ninanasa-nasa?

373   Anupa nga't yaong gubat na malungkot,
sa apat ay naging paraiso'y lugod;
makailang hintong kanilang malimot
na may hininga pang sukat na malagot.

374   Sigabo ng tuwa'y unang dumalang-dalang,
dininig ng tatlo kay Laurang buhay;
nasapit sa reyno mula nang pumanaw
ang sintang naggubat, ganito ang saysay:

375   'di lubhang nalaon noong pag-alis mo,
o sintang Florante sa Albanyang Reyno,
narinig sa baya'y isang piping gulo
na umalingawngaw hanggang sa palasyo.

376   Ngunit 'di mangyaring mawatasan-watasan
ang bakit at hulo ng bulung-bulungan;
parang isang sakit na 'di mahulaan
ng medikong pantas ang dahil at saan.

377   'di kaginsa-ginsa, palasyo'y nakubkob
ng magulong baya't baluting soldados;
O, araw na lubhang kakilakilabot!
Araw na isinumpa ng galit ng Diyos!

378   Sigawang malakas niyong bayang gulo:
Mamatay, mamatay ang Haring Linceo
na nagmunakalang gutumin ang reyno't
lagyan ng estangke ang kakani't trigo.

379   Ito'y kay Adolfong kagagawang lahat
at nang magkagulo yaong bayang bulag;
sa ngalan ng hari ay isinambulat
gayong ordeng mula sa dibdib ng sukab.

380   Noon di'y hinugot sa tronong luklukan
ang ama kong hari at pinapugutan;
may matuwid bagang makapanlumay
sa sukab na puso't nagugulong bayan?

381   Sa araw ring yao'y maputlan ng ulo
ang tapat na loob ng mga konseho;
at hindi pumurol ang tabak ng lilo
hanggang may mabait na mahal sa reyno.

382   Umakyat sa trono ang kondeng malupit
at pinagbalaan ako nang mahigpit,
na kung 'di tumanggap sa haying pag-ibig,
dustang kamataya'y aking masasapit.

383   Sa pagnanasa kong siya'y magantihan
at sulatan kita sa Etolyang Bayan,
pinilit ang pusong huwag ipamalay
sa lilo — ang aking kaayawa't suklam.

384   Limang buwang singkad ang hininging taning
ang kaniyang sinta't bago ko tanggapin;
ngunit ipinasyang tunay sa panimdim
ang pagpatiwakal kundi ka rumating.

385   Niyari ang sulat at ibinigay ko
sa tapat na lingkod, nang dalhin sa iyo;
'di nag-isang buwa'y siyang pagdating mo't
nahulog sa kamay ni Adolfong lilo.

386   Sa takot sa iyo niyong palamara
kung ika'y magbalik na may hukbong dala,
nang mag-isang muwi ay pinadalhan ka
ng may selyong sulat at sa haring pirma.

387   Matanto ko ito'y sa malaking lumbay
gayak na ang puso na magpatiwakal
ay siyang pagdating ni Menandro naman
kinubkob ng hukbo ang Albanyang Bayan.

388   Sa banta ko'y siyang tantong nakatanggap
ng sa iyo'y aking padalang kalatas,
kaya't nang dumating sa Albanyang S'yudad,
lobong nagugutom ang kahalintulad.

389   Nang walang magawa ang Konde Adolfo
ay kusang tumawag ng kapuwa lilo;
dumating ang gabi umalis sa reyno
at ako'y dinalang gapos sa kabayo.

390   Kapag dating dito ako'y dinarahas
at ibig ilugso ang puri kong ingat;
pana'y isang tunod na kung saan buhat,
pumako sa dibdib ni Adolfong sukab.

391   Sagot ni Flerida: Nang dito'y sumapit
ay may napakinggang binibining boses
na pakiramdam ko'y binibigyang-sakit,
nahambal ang aking mahabaging dibdib.

392   Nang paghanapin ko'y ikaw ang natalos,
pinipilit niyong taong balakiyot;
hindi ko nabata't bininit sa busog
ang isang palasong sa lilo'y tumapos...

Anong laking tuwa nina Florante at Aladin nang malamang ang nagsisipag-usap pala ay sina Laura at Flerida.

Isinalaysay naman ni Laura ang nangyari sa Albanya na samantalang nasa ibang bayan si Florante – ang pagkakaagaw ni Adolfo sa trono, ang pagpugot sa ulo ng hari at sa mga kabig nito. Sinabi niyang pinadalhan niya ng sulat si Florante upang ipahatid ang nangyari sa Albanya subalit ang natanggap ni Florante ay isang sulat na huwad sa ngalan ng haring ama ni Laura na mahigpit na nagbibiling umuwi siyang nag-iisa sa Albanya. Dumating naman si Florante pagkaraan ng isang buwan. Ito ang naging paraan kung paano nadakip si Florante ng mga kawal ni Adolfo. Ikinulong sa piitan at pagkalipas ng ilang araw ay ipinadala sa gubat at doon ay ipinagapos. Samantala, humingi ng limang buwang taning si Laura upang isaalang-alang ang mungkahing pagpapakasal ni Adolfo sa kanya. Sa katunayan ay inaantala lamang ni Laura ang mga panahon upang makabalik si Florante. Kaya nang wala ng paraan upang mahimok si Laura ay dinala ito sa gubat upang sana’y pagsamantalahan kundi lamang ito naipagtanggol ni Flerida. Sa pagkakapana ni Flerida kay Adolfo, naging isa siyang bangkay.

Sa nadinig ni Florante at Aladin na kwento ni Laura at Flerida, nalinawagang hindi nagtaksil si Laura kay Florante at hindi natuloy ang hanagrin ni Sultan Ali-adab kay Flerida.

Learn this Filipino word:

kapit-bayawak