Kabanata 28: Si Flerida

361   Napakinggan nila'y ganitong saysay:
Nang aking matatap na pupugutan
ang abang sinta kong nasa bilangguan,
nagdapa sa yapak ng haring sukaban.
.

362   Inihinging-tawad ng luha at daing
ang kaniyang anak na mutya ko't giliw;
ang sagot ay kundi kusa kong tanggapin
ang pagsinta niya'y 'di patatawarin.

363   Ano'ng gagawin ko sa ganitong bagay?
Ang sinta ko kaya'y hayaang mamatay?
Napahinuhod na ako't nang mabuhay
ang prinsipeng irog na kahambal-hambal!

364   Ang 'di nabalinong matibay kong dibdib
ng suyo ng hari, bala at paghibik,
naglambot na kusa't kumain sa sakit
at nang mailigtas ang buhay ng ibig.

365   Sa tuwa ng hari, pinawalan agad
dahil ng aking luhang pumapatak;
datapuwa't tadhanang umalis sa s'yudad
at sa ibang lupa'y kusang mawakawak.

366   Pumanaw sa Persya ang irog ko't buhay
na hindi man kami nagkasalitaan;
tingni kung may luha akong ibubukal
na maitutumbas sa dusa kong taglay!

367   Nang iginaganya sa loob ng reyno
yaong pagkakasal na kamatayan ko,
aking naakalang magdamit-gerero
at kusang magtanan sa real palasyo.

368   Isang hatinggabing kadilimang lubha,
lihim na naghugos ako sa bintana;
walang kinasama kung hindi ang nasa —
matunton ang sinta kung nasaang lupa.

369   May ilan nang taon akong naglagalag
na pinapalasyo ang bundok at gubat;
dumating nga rito't kita'y nailigtas
sa masamang nasa niyong taong sukab

Ang sabi ng isang babae, nang malaman niyang pupugutan ang kanyang kasintahang nasa bilangguan ay pumayag na siyang pakasal sa sultan kapalit ng paglaya ng kanyang kasintahan. Pinawalan naman agad ito, subalit nang gabi ding iyon ay nagbalat-kayo ang babae ng isang gerero at tumakas sa Persya upang hanapin ang minamahal niyang si Aladin. May ilang taon ding siyang naglilibot hanggang sa sumapit sa gubat at nasaklolohan ang kausap niyang babae.

Learn this Filipino word:

mainit sa kamáy