Mga Patakaran ng Estado - Page 2 of 2
(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)
- Seksyon 19
-
Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakatatayo sa sarili at malaya na epektibong kinukontrol ng mga Pilipino.
- Seksyon 20
-
Kinikilala ng Estado ang napakahalagang gampanin ng pribadong sektor, pinasisigla ang pribadong negosyo, at nagbibigay ng mga insentibo sa kinakailangang mga pamumuhunan.
- Seksyon 21
-
Dapat itaguyod ng Estado ang komprehensibong pagpapaunlad na pang-nayon at repormang agraryan.
- Seksyon 22
-
Kinikilala at itinataguyod ng Estado ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa loob ng balangkas ng pambansang pagkakaisa at pag-unlad.
- Seksyon 23
-
Dapat pasiglahin ng Estado ang mga organisasyong di-pampamahalaan, salig-pamayanan, o sektoral na nagtataguyod ng kagalingan ng bansa.
- Seksyon 24
-
Kinikilala ng Estado ang napakahabang gampanin ng komunikasyon at impormasyon sa pagbuo ng bansa.
- Seksyon 25
-
Dapat seguruhin ng Estado ang awtonomi ng pamahalaang lokal.
- Seksyon 26
-
Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastyang pulitikal ayon sa maaaring ipakahulugan ng batas.
- Seksyon 27
-
Dapat pamalagiin ng Estado ang pagkamatapat at pagkamarangal sa lingkurang pambayan at maggawa ng positibo at epektibong mga hakbangin laban sa graft and corruption.
- Seksyon 28
-
Batay sa makatwirang mga kondisyong itinakda ng batas, inaangkin at ipinatutupad ng Estado ang patakarang lubos na hayagang pagsisiwalat ng lahat ng mga transaksyon nito na kinapapalooban ng kapakanang pambayan.