Artikulo III:
Katipunan ng mga Karapatan
(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)
- Seksyon 1
-
Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ariarian ang sino mang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.
- Seksyon 2
-
Ang karapatan ng mga taong-bayan na magkaroon ng kapanatagan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles, at mga bagay-bagay laban sa hindi makatwirang paghahalughog at pagsamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat labagin, at hindi dapat maglagda ng warant sa paghalughog o warant sa pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng hukom matapos masiyasat ang mayhabla at ang mga testigong maihaharap niya sa ilalim ng panunumpa o patotoo, at tiyakang tinutukoy ang lugar na hahalughugin, at ang mga taong darakpin o mga bagay na sasamsamin.
- Seksyon 3
-
- Hindi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensya maliban sa legal na utos ng hukuman, o kapag hinihingi ang naiibang kaligtasan o kaayusan ng bayan ayon sa itinakda ng batas.
- Hindi dapat tanggapin para sa ano mang layunin sa alin mang hakbangin sa paglilitis ang ano mang ebidensya na nakuha nang labag dito o sa sinusundang seksyon.
- Seksyon 4
-
Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.
- Seksyon 5
-
Hindi dapat magbalangkas ng batas para sa pagtatatag ng relihiyon, o nagbabawal sa malayang pagsasagamit nito. Dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng paghahayag ng relihiyon at pagsamba nang walang pagtatangi o pamimili. Hindi dapat kailanganin ang pagsusulit panrelihyon sa pagsasagamit ng mga karapatang sibil o pampulitika.
- Seksyon 6
-
Hindi dapat bawahan ang kalayaan sa paninirahan at ang pagbabago ng tirahan sa saklaw ng mga katakdaang itinatadhana ng batas maliban sa legal na utos ng hukuman. Ni hindi dapat bawahan ang karapatan sa paglalakbay maliban kung para sa kapakanan ng kapanatagan ng bansa, kaligtasang pambayan, o kalusugang pambayan ayon sa maaaring itadhana ng batas.
- Seksyon 7
-
Dapat kilalanin ang karapatan ng taong-bayan na mapagbatiran hinggil sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa tanan. Ang kaalaman sa mga opisyal na rekord, at sa mga dokumento at papeles tungkol sa mga opisyal na gawain, transaksyon, o pasya, gayon din sa mga datos sa pananaliksik ng pamahalaan na pinagbabatayan ng patakaran sa pagpapaunlad ay dapat ibigay sa mamamayan sa ilalim ng mga katakdaang maaaring itadhana ng batas.
- Seksyon 8
-
Hindi dapat hadlangan ang karapatan ng mga taong-bayan kabilang ang mga naglilingkod sa publiko at pribadong sektor na magtatag ng mga asosasyon, mga unyon, o mga kapisanan sa mga layuning hindi labag sa batas.
- Seksyon 9
-
Ang pribadong ariarian ay hindi dapat kunin ukol sa gamit pambayan nang walang wastong kabayaran.