Artikulo III: - Page 2 of 3
Katipunan ng mga Karapatan
(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)
- Seksyon 10
-
Hindi dapat magpatibay ng batas na sisira sa pananagutan ng mga kontrata.
- Seksyon 11
-
Hindi dapat ipagkait sa sino mang tao ang malayang pagdulog sa mga hukuman at sa mga kalupunang mala-panghukuman at sa sapat na tulong pambatas nang dahil sa karalitaan.
- Seksyon 12
-
- Ang sino mang tao na sinisiyasat dahil sa paglabag ay dapat magkaroon ng karapatang mapatalastasan ng kanyang karapatang magsawalang-kibo at magkaroon ng abogadong may sapat na kakayahan at malaya na lalong kanais-nais kung siya ang maypili. Kung hindi niya makakayanan ang paglilingkod ng abogado, kinakailangang pagkalooban siya ng isa. Hindi maiuurong ang mga karapatang ito maliban kung nakasulat at sa harap ng abogado.
- Hindi siya dapat gamitan ng labis na pagpapahirap, pwersa, dahas, pananakot, pagbabanta, o ano pa mang paraaan na pipinsala sa kanyang malayang pagpapasya. Ipinagbabawal ang mga lihim na kulungan, solitaryo, ingkomunikado o iba pang katulad na mga anyo ng detensyon.
- Hindi dapat tanggaping ebidensya laban sa kanya ang ano mang pagtatapat o pag-amin na nakuha nang labag sa seksyong ito o Seksyong 17 nito.
- Dapat magtadhana ang batas ng mga kaparusahang penal at sibil sa mga paglabag sa seksyong ito at gayon din ng bayad-pinsala at rehabilitasyon sa mga biktima ng labis na mga paghihirap o katulad ng mga nakagawian, at sa kanilang mga pamilya.
- Seksyon 13
-
Ang lahat ng mga tao, maliban sa mga nahahabla sa mga paglabag na pinarurusahan ng
reclusion perpetua
kapag matibay ang ebidensya ng pagkakasala, bago mahatulan, ay dapat mapyansahan ng sapat na pyador, o maaaring palayain sa bisa ng panagot ayon sa maaaring itadhana ng batas. Hindi dapat bawahan ang karapatan sa pyansa kahit na suspendido ang pribilehiyo ngwrit of habeas corpus
. Hindi dapat kailanganin ang malabis na pyansa. - Seksyon 14
-
- Hindi dapat papanagutin sa pagkakasalang kriminal ang sino mang tao nang hindi kaparaanan ng batas.
- Sa lahat ng mga pag-uusig kriminal, ang nasasakdal ay dapat ituring na walang sala hangga't hindi napapatunayan ang naiiba, at dapat magtamasa ng karapatang magmatwid sa pamamagitan ng sarili at ng abogado, mapatalastasan ng uri at dahilan ng sakdal laban sa kanya, magkaroon ng mabilis, walang kinikilingan, at hayagang paglitis, makaharap ang mga testigo at magkaroon ng sapilitang kaparaanan upang matiyak ang pagharap ng mga testigo at paglitaw ng ebidensyang para sa kanyang kapakanan. Gayon man, matapos mabasa ang sakdal, maaring ituloy ang paglilitis kahit wala ang nasasakdal sa pasubaling marapat na napatalastasan siya at di makakatwiran ang kanyang kabiguang humarap.
- Seksyon 15
-
Hindi dapat suspindihin ang pribilehiyo ng
writ of habeas corpus
, maliban kung may pananalakay o paghihimagsik, kapag kinakailangan ng kaligtasang pambayan. - Seksyon 16
-
Dapat magkaroon ang lahat ng mga tao ng karapatan sa madaliang paglutas ng kanilang mga usapin sa lahat ng mga kalupunang panghukuman, mala-panghukuman, o pampangasiwaan.