Artikulo III: - Page 3 of 3

Katipunan ng mga Karapatan

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 17

Hindi dapat pilitin ang isang tao na tumestigo laban sa kanyang sarili.

Seksyon 18
  1. Hindi dapat detenihin ang sino mang tao dahil lamang sa kanyang mga paniniwala at hangaring pampulitika.
  2. Hindi dapat pairalin ang ano mang anyo ng sapilitang paglilingkod, maliban kung kaparusahang pataw ng hatol ng pagkakasala.
Seksyon 19
  1. Hindi dapat ipataw ang malabis na multa, ni ilapat ang malupit, imbi o di-makataong parusa, o ang parusang kamatayan, matangi kung magtadhana ang Kongreso ng parusang kamatayan sa mga kadahilanang bunsod ng mga buktot na krimen.  Dapat ibaba sa reclusion perpetua ang naipataw nang parusang kamatayan.
  2. Dapat lapatan ng kaukulang batas ang pagpapahirap na pisikal, sikolohikal, o imbing pagpaparusa sa sino mang bilanggo o detenido o ang paggamit ng mga kaluwagang penal na di-makatao.
Seksyon 20

Hindi dapat ibilanggo ang isang tao nang dahil sa pagkakautang o hindi pagbabayad ng sedula.

Seksyon 21

Hindi dapat na ang isang tao ay makalawang masapanganib ng kaparusahan sa iisang paglabag.  Kung pinarurusahan ng batas at ng ordinansa ang isang kagagawan, ang pagkaparusa o pakaabswelto sa ilalim ng alin man dito ay magiging hadlang sa iba pang pag-uusig sa gayon ding kagagawan.

Seksyon 22

Hindi dapat magpatibay ng batas ex post facto o bill of attainder.

Learn this Filipino word:

kaútutang-dilà