Mga Simulain
(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)
- Seksyon 1
-
Ang Pilipinas ay isang Estadong republikano at demokratiko. Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.
- Seksyon 2
-
Itinatakwil ng Pilipinas ang digmaan bilang kasangkapan ng patakarang pambansa, tinatanggap bilang bahagi ng batas ng bansa ang mga simulain ng batas internasyonal na kinikilala ng lahat at umaayon sa patakaran ng kapayapaan, pagkakapantay-pantay, katarungan, kalayaan, pakikipagtulungan, at pakikipagkaibigan sa lahat ng mga bansa.
- Seksyon 3
-
Ang awtoridad na sibilyan ay sumasaibabaw ng sa militar sa lahat ng panahon. Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay tagapangalaga ng Sambayanan at ng Estado. Ang layunin nito ay seguruhin ang ganap na kapangyarihan ng Estado at ang integridad ng pambansang teritoryo.
- Seksyon 4
-
Ang pangunahing tungkulin ng pamahalaan ay paglingkuran at pangalagaan ang sambayanan. Maaaring tawagan ng pamahalaan ang sambayanan upang ipagtanggol ang Estado, at sa ikatutupad niyon, ang lahat ng mga mamamayan ay maaaring atasang maghandog ng personal na serbisyo militar o sibil, sa ilalim ng kondisyong itinatakda ng batas.
- Seksyon 5
-
Dapat sundin ng Estado ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, ang pangangalaga sa buhay, kalayaan at ariarian, at ang pagtataguyod sa kagalingang panlahat upang matamasa ng buong sambayanan ang mga biyaya ang demokrasya.
- Seksyon 6
-
Hindi dapat labagin ang pagkakahiwalay ng Simbahan at ng Estado.