Apat na anyo ng Sabayang Pagbigkas
Narito ang apat na anyo ng Sabayang Pagbigkas (Andrade, 1985):
Ang pagbabasang may madamdaming pagpapakahulugan. Ito’y madamdaming pagbabasa ng isang pangkat sa isang piyesang nakadikit sa isang folder na matigas at may iisang sukat.
Ang sabayang pagbigkas na walang kilos. Saulado ng mga kalahok ang piyesa. Sa pagtatanghal na ito, limitado lamang ang kilos ng koro, maliban sa pagbibigay-damdamin sa pamamagitan ng angkop na tinig, ekspresyon ng mukha, mga kibit ng balikat, payak na kumpas ng kamay at iling at tango ng ulo. Maaaring gumamit ng riser.
Ang sabayang pagbigkas na may maliit na angkop na kilos. Ang koro ay maaaring gumawa ng maliliit na kilos sa entablado. Higit na masining ang pagpapakahulugan sa piyesa dahil bukod sa madamdaming pagbigkas, aangkupan pa ito ng mga tama at makahulugang galaw na maaaring isahan o pangkatan. Sa gawaing ito dapat iwasan ang napakaraming galaw ng maaaring makasira sa pagpapakahulugan.
Ang madulang sabayang pagbigkas o dula-dula. Pinakamataas na uri ang gawaing ito. Tinatawag itong "total theater" dahil sa gumagamit ito ng panlahatang pagtatanghal ng teatro – nisang isinadulang tula : may tauhan, may Korong tagapagsalaysay, tunog, musika, sayaw, pag-iilaw, tanawin, kagamitan at props. Kinakailangan nito ang puspusan at sapat na panahon ng pagsasanay para sa wastong bigkas, blaking, interpretasyon at panuunan ng tingin.