Ang Palaka na Naghahangad Lumipad

(Parabula / Parable)

Minsan may isang palakang tumingala sa langit at humanga sa mga ibong nagliliparan.

Gusto ko ring makalipad na tulad nila! ang sabi niya.

Ngunit ang tanong ay papaano?

Isang hapon, nakakita ang palaka ng lobong lumilipad.  Noon niya naisip ang solusyon sa kanyang paghahangad.

Gaya ng lobo, pupunuin ko ng hangin ang aking tiyan upang ako’y makalipad!

At ganoon nga ang kanyang ginawa.  Lumulon siya nang lumulon ng hangin hanggang sa siya ay lumutang.

Tuwang-tuwa ang palaka! Lumulutang na siya! Lumulutang na!

Pero hindi pa sapat! Nais niyang marating ang nararating ng mga ibon.  Kaya’t siya’y muling lumulon ng hangin.  At lumulon pang muli.  Hanggang sa lumaki nang lumaki ang kanyang tuyan.

At nang marating niya ang pinakamataas na ulap ay napakalaki na ng kanyang tiyan na punung-puno ng hangin.

Hindi na nakayanan ng kanyang katawan ang hangin.  At dahil dito, ang palaka ay sumabog at nagkawatak-watak ang katawan.

Pagbagsak sa lupa ng kanyang nagkapira-pirasong katawan ay pinagpistahan ito ng mga ibon at kinain.

Sa kabilang banda, natupad ang kanyang hangarin na maging ibon.  Ngunit sa isang mapait na pangyayari.

Mensahe: Ang maghangad sa isang bagay na hindi nararapat ay isang kahangalan na nauuwi sa trahedya.

Learn this Filipino word:

magwaláng-bahalà