Ang Alibughang Anak
(Parabula / Parable)
Ang isang mayamang ama’y may dalawang anak na kapwa lalaki. Hiniling ng batang anak na ang ganang kanya sa kayamanan ng kanyang ama ay ibigay na sa kanya. Nang makuha na nang bunso ang kanyang mana ay tumungo sa malayong bayan at nilustay ang kabuhayang ipinagkaloob ng ama.
Naubos na lahat ang kanyang salapi. Namumulubi siya at nang wala nang makain ay inisip nang bumalik sa dating tahanan upang makain man lamang niya ang kinakain ng alila ng kanyang ama. Gayon na lamang ang galak ng kanyang ama, sinalubong ng yakap at halik ang bumalik na anak. Inutusan ang isang alila na bigyan ang anak ng pinakamagarang kasuotan, ipinasuot sa daliri ang isang mamahaling singsing at ipinagpatay ng isang matabang baka.
Namangha ang matandang kapatid nang dumating siya sa kanilang tahanan. Nang malaman niya ang sanhi ng kasayahan ay nagalit nang gayon na lamang at sinumbatan ang ama. Akong masunurin ninyong anak na buong katapatang naglilingkod sa inyo ay hindi ninyo naipagpatay kahit isang guya man lamang. Ngayong dumating ang alibughang anak ninyo ay gugugol kayo nang malaki at magdiriwang.
Sumagot nang marahan ang ama. Anak ko, ikaw ang lagi kong kapiling. Ang lahat ng akin ay iyo. Tayo’y nagsasaya ngayon sapagkat ang kapatid mong namatay ay muling nabuhay, nakita nating muli ang nawala.