Saan Nanggaling ang Punong Papaya?
(Alamat / Legend)
May mag-asawa na laging pinag-uusapan ng mga kapit-bahay. Si Bantawan ang lalaki at si Papay ang babae. Nakatira sila sa bulubunduking lalawigan ng Benguet at ang paggapas ng palay ang kanilang ikinabubuhay. Tamad si Bantawan. Masipag si Papay. Naiiwan sa bahay si Bantawan at si Papay naman ang nagtatrabaho upang sila ay may kainin. Araw-araw makikita siya sa palayan at gumagapas ng palay.
Lumipas ang panahon na ganito ang naging pamumuhay ng mag-asawa. Minsan, nanganak si Papay, kaya natigil ang kanyang paggapas ng palay. Naubos ang kanilang bigas. Pinakiusapan niya na magtrabaho si Bantawan ngunit hindi niya sinunod ang asawa sa halip ay nagtulog lamang siya. Napilitang makigapas ng palay si Papay. Iniwan niya ang sanggol sa bahay at maghapon siyang nagtrabaho.
Nagkagulo ang magkakapitbahay nang hindi umuwi ng bahay si Papay nang gabing iyon. Naawa sila sa sanggol. Iyak na ng iyak ito sa gutom. Maghapon nilang hinanap ang nawawalang si Papay. Ginalugad nila ang paanan at tuktok ng bundok. Isang lalaki na kasamang naghahanap kay Papay ang nakatulog dahil sa pagod. Nanaginip siya na may isang puno sa gitna ng bukid na nagsalita sa kanya.
Ako ang nawawalang ina. Ibigay ninyo sa iniwan kong bunso ang aking bunga. Mabubuhay ang aking anak kapag pakakainin ninyo siya nitong aking bunga.
Kinabukasan ikinuwento ng lalaki ang kanyang napanaginipan sa mga kapitbahay. Nang araw ding iyon ay kanilang pinuntahan ang pook na sinasabi sa panaginip ng lalaki. At naroroon nga sa gitna ng bukid ang isang puno na malalapad ang dahon at hitik sa bunga.
Ito nga si Papay
, wika ng mga tao.
Kinuha nila ang hinog na bunga at ipinakain nila ito sa anak ng nawawalang si Papay. Nabuhay ang sanggol! At magmula na noon lumago at dumami pa ang bunga ng puno. Kinain na ng mga tao ang bunga nito. Masarap at matamis ang bunga ng punong tinawag nilang Papay. At sa paglipas ng panahon, ang papay ay naging papaya. Ang halamang ito ang siyang pinagmulan ng unang punong papaya.