Ang Kalabasa at ang Duhat
(Kuwentong-bayan / Folktale)
Noong unang panahon nagtanim si Bathala ng kalabasa at duhat. Gusto niyang makita kung papano magsilaki ang mga ito.
Dahil si Bathala ang nagtanim, kaydali nilang lumaki. Si Duhat ay lumaki pataas na ang itinuturo’y kalangitan, at ilang araw pa ay nakahanda na itong mamunga.
Sabik na sabik na akong mamunga,
wika ni Duhat.
Si Kalabasa naman ay humaba, ngunit hindi tumaas. Gumapang lang ito nang gumapang, hanggang sa ito’y nakatakda nang mamunga.
Ngunit hindi malaman ni Bathala kung anong uri ng bunga ang ipagkakaloob niya sa dalawang ito.
Matamang nag-isip si Bathala.
Ang duhat na nilikha ko’y malaki, nararapat lamang na malaki rin ang kanyang bunga. At si Kalabasa naman ay gumagapang lamang, at walang kakayahang tumayo, nararapat lamang na ang mga bunga nito’y maliliit lamang.
Wika ni Bathala.
Ganyan nga ang nangyari. Si Duhat ay namunga ng sinlaki ng banga. Agad niyang nakita na hindi tama ito, sapagkat nababali ang mga sanga nito dahil sa bigat ng bunga. Si Kalabasa nama’y hindi bagay dahil maliit ang bunga. Di pansinin ang mga bunga nito lalo’t natatakpan sa malalapad na dahon.
Muling nag-isip ng malalim si Bathala. Tunay na hindi siya nasiyahan.
Napagpasiyahan niyang ipagpalit ang mga bunga ng mga ito. At napatunayan niyang tama ang kanyang ginawa, sapagkat ang kalabasa, mahinog man ito’y hindi malalaglag dahil ang puno ay gumagapang lamang. Samantalang ang duhat, malaglag man ay magaan, hindi masisira at ginawa naman niyang kulay berde ang kalabasa sa dahilang ito’y malayo sa araw. At kulay itim naman ang duhat. Pagkat ito’y malapit sa araw.
At sa kanyang ginawa’y nalubos ang kasiyahan ni Bathala.