Ang Aso at ang Uwak

(Pabula / Fable)

Ang ibong si Uwak at lipad nang lipad
Nang biglang makita tapang nakabilad
Agad na tinangay at muling lumipad
Sa dulo ng sanga ng malagong duhat.

Habang kumakain si Uwak na masaya
Nagmakubli-kubli nang huwag makita
Nang iba pang hayop na kasama niya
At nang masarili, kinakaing tapa.

Walang anu-ano narinig ni Uwak
Malakas na boses nitong Asong Gubat
Sa lahat ng ibon ika'y naiiba
Ang kulay mong itim ay walang kapara.

Sa mga papuri nabigla si Uwak
At sa pagkatuwa siya'y humalakhak;
Ang kagat na karne sa lupa'y nalaglag
Kaagad nilundag nitong Asong Gubat.

At ang tusong aso'y tumakbong matulin
Naiwan si Uwak na nagsisi man din
Isang aral ito na dapat isipin
Ang labis na papuri'y panloloko na rin.

Learn this Filipino word:

hampás sa kalabaw, sa kabayo ang latay