Sa mga Bulaklak ng Heidelberg

ni Dr. José Rizal

(Tagalog version of “A las Flores de Hiedelberg”)

Magsitungo kayo sa lupa kong hirang,
oh, mga banyagang bulaklak sa parang!
na sa daa’y tanim nitong maglalakbay;
at sa silong niyong bughaw niyang langit
na tanod ng mga iwi kong pag-ibig,
inyong isalaysay
sa pangalan nitong nangingibang-bayan
yaong pananalig
na sa sintang lupa’y siyang bumubuhay.
Lakad at sabihing pag unang binuksan
ang talulot ninyo ng bukang-liwayway
sa may ilog Neckar na nakagiginaw,
kita ninyo siyang walang imik naman
na kapiling ninyo, nagninilay-nilay
sa kanyang tagsibol
na di-nagbabago sa takdang panahon.
Sabihing pag yaong inyong halimuyak
na agang simsimin ng batang liwanag,
sa laro’y bumubulong ng awit-pagliyag…
gayon din: sa wikang sariling matimyas,
siya’y bumubulong ng kundimang wagas;
na pag sa umaga’y gininto ng araw
tuktok ng Koenigsthul, at sa kanyang taglay
na malahiningang apoy-kalikasan
ay pinasisigla
ang lambak, ang gubat, pati kasiitan,
siya’y bumabati sa araw na iyon,
kahit pa sa kanyang pagbukang-liwayway,
na sa lupa niya’y
nagpapaliwanag sa kaitaasan.
Isalaysay yaong mapalad na araw
na kayo’y pitasin sa may tabing-daan,
sa kalagitnaan
niyong mga guho ng isang kastilyong
dati’y mahadlika, sa tabi ng Neckar
o kaya’y sa gubat na malilim naman.

Learn this Filipino word:

malapad ang papél