Karunungan at Bayan

ni Dr. José Rizal

(Tagalog version of “Por la Educación Recibe Lustre la Patria”)

Ang dunong ay isang mabisang biyaya,
Buhay ng pag-asa na kahanga-hanga;
Siyang nagtatampok sa sariling Lupa
Nang kasilaw-silaw
Sa tuktok ng walang hanggang pagdakila;
Sa halik-amihan
Ang mga bulaklak ay nananariwa;
Sa halik ng dunong nama’y nagdiriwa
Ang patay mang loob at isip mulala.

Sa hangad matuto ng Sangkatauhan
Buhay man at palad ay napupuhunan;
Sari-saring ganda at kababalaghang
Pambunyi sa tao’y
Sa dunong na lahat ay ibinibigay;
Katulad ng daloy
Ng salaming tubig kung sa bundok mukal,
Ang dunong ay siyang batis na dalisay
Ng pagkatahimik ng alin mang bayan.

Sa bayang ang dunong ay iniuunlak
Ang kabinataa’y malusog, mabulas;
Sa tulong ng mga marangal na balak
Yaong wastong matwid
Ang sa kamalia’y haring yumuyurak;
Ang masamang hilig
At ang kabuhungan sa kanya ay sindak;
Mga bansang ganid ay nangaaamak
At napagigiting kahit lahing hamak.

Tulad sa biyaya ng saganang batis
Na sa halamana’t pananim sa bukid
Mabining nanalong at nakadidilig
Saka walang sawa
Sa kinaaagos sa pampang at gilid,
Anupa’t sa lupa
Ay wala muntik mang ipinagkakait:
Ganyan din ang dunong at ningning ng isip,
Kalat ng liwayway hanggang himpapawid.

Learn this Filipino word:

butót balát