Tinig ng Darating

Tula ni

Teo Baylen

Ang guniguni mo’y paglakbayin doon
Sa madugong landas ng ating dantaon;
Masasalubong mo ang isang panahon
Na sambuntong ako at nagngangang libing?

- Ito ba ang lupang aking aankinin
Na tira-tirahan ng apoy at talim?
Ito ba ang manang aking bubungkalin
Sa sambuntong ako at nagngangang libing?

- Ito ba ang mundong hinila kung saan
Ng Gulong ng inyong hidwang kaunlaran?
Ito ba ang bunga ng Sining mo’t Agham?
Ito ba ang aking manang Kalinangan?

- Iyan ba ang bukid na walang naimbak
Kundi mga bungo ng mga kaanak?
Binaog ng inyong punlong makamandag
At wala ni damo na diya’y mag-ugat?

- Kahubdan at gutom, isipang salanta,
Bigong pananalig at pag-asang giba;
Ito ba ang aking manang napapala
Na labi ng inyong taniman at sumpa?

O Sangkatauhan ng Dantaong ito
Na dapat sisihin ng mga inapo;
Ano sa darating ang isasagot mo
Sa sumbat ng lahing susunod sa iyo?

Learn this Filipino word:

ináamag na