Dakilang Bayani
Tula ni Jacinto R. De Leon
Buklatin ang mga dahon ng matandang kasaysayan,
at maghanap ng bayaning matalino, tapat, tunay;
mahirap kang makatagpo sa alin mang bansa’t bayan
ng tulad o sindakila ng ating si José Rizal.
Siya’y anak na noon mang kabataa’y nagpamalas
ng pag-ibig sa luhaang Inang-bayang kulang-palad;
nagparunong at naghanda, nakibakang walang gulat
na ang gamit na sandata’y wala kundi ang panulat.
Sa dalawang mahalagang aklat niyang NOLI’T FILI,
inilahad ang kasam’an ng gobyerno’t mga prayle;
inilantad sa liwanag ang lahat ng pagduhagi
at pagdustang dito’y hindi nararapat manatili.
Noo’y dilim yaong hari. Noo’y walang katarungan.
Ang magsabi ng totoo’y isang kasalanan.
Kaya, siya’y pinag-usig. Hindi siya tinigilan
hanggang hindi napuputi ang kaniyang angking buhay.
At namatay siya ngunit… buhay yaong kanyang diwa
na sa pusong Pilipino’y nagbinhi ng isang nasa.
Namulaklak at namunga. Naging lakas yaong hina.
Ang Espanya ay bumagsak. At, ang Bayan ay lumaya.
Ang buhay ni José Rizal ay salaaming sakdal-linis.
Malasin mo’t masisinag: karangalang walang dungis,
karunungan, tapang, giting, katapatan, at pag-ibig
ng bayaning tangi pagka’t bibihira ang kaparis.