Kabanata 45:
Ang mga Pinag-uusig
(Ang Buod ng “Noli Me Tangere”)
Nagpunta sa Kagubatan si Elias at hinanap si Kapitan Pablo. Siya ay sinamahan ng isang lalaki sa yungib na tila nasa ilalim ng lupa. Nang makita ni Elias ang matandang Pablo natatalian ang ulo ng isang bigkis na kayong may bahid ng dugo. Kayat na nagkilala silang dalawa. May anim na buwan na nang huli silang magkita. Noon, ayon kay matandang Pablo siya ang naaawa Kay Elias. Subalit, ngayon nagkapalit sila ng puwesto . Si Elias ay malakas samantalang ang matanda ay sugatan at lugami sa hirap ng katawan at kalooban. May 15 araw na araw na naibalita kay Elias ang sinapit ni Kapitan Pablo. Katunayan, pinaghanap siya nito sa kabundukan ng dalawang lalawigan. At ngayon nga ay kanyang natagpuan.
Ipinaliwanag ni Elias sa Kapitan na nais niya itong isama sa lupain ng mga di-binyagan upang doon na manirahan nang payapa kahit na malayo sa sibilisasyon, yaman din lamang daw walang nangyari sa kanyang paghahanap sa angkang nagpahamak sa kanyang pamilya. Binigyang diin ni Elias na magturingan na lamang silang dalawa bilang mag-ama yayamang pareho na silang nag-iisa sa buhay. Umiiling lamang ang matanda sa kahilingan ni Elias at sinabing wala siyang dahilan para magpanibagong buhay sa ibang lupain. Kailangan niyang maipaghiganti ang kalupitang sinapit o pagkamatay ng kanyang dalawang anak na lalaki at isang babae sa kamay ng mga buhong. Nuon anya, siya ay isang duwag ngunit, dugo at kamatayan ang isinisigaw ng kanyang budhi dahil sa kaapihang kanyang natamo. Karumal-dumal ang sinapit ng kanyang mga anak kaya ganito na lamang ang kanyang pagpupuyos.
Ang kanyang anak na dalaga ay pinagsamantalahan at inilugso ang kapurihan ng isang alagad ng simbahan. Dahil dito, nagsiyasat ang dalawa niyang anak na lalaki. Pero, nagkaroon ng nakawan sa kumbento at ang isa niyang anak ay sinuplong. Ang anak niyang ito ay ibinitin sa kanyang buhok at narinig niya ang sigaw, daing at pagtawag sa kanya, pero siya ay nasanay sa buhay na tahimik ay naging duwag at hindi nagkaroon ng lakas ng loob na pumatay o magpakamatay. Ang paratang na pagnanakaw sa kanyang anak ay di napatunayan, isa lamang malaking kasinungalingan. Ang kurang nagparatang ay inilipat sa ibang lugar. Pero ang kanyang anak ay namatay sa sobrang pahirap na dinanas.
Ang isa naman niyang anak ay hindi duwag at pingambahan na siya ay maghihiganti dahil sa sinapit ng dalawang kapatid. Ito ay hinuli ng mga awtoridad dahil nakalimutan lamang niyang magdala ng sedula. Ito ay pinahirapan din hanggang sa magpatiwakal na lamang. Ngayon, wala ng nalalabi sa kanya kundi bababa ng bayan upang maghimasik at makapaghiganti. Hindi naman siya nag-iisa, marami siyang kaanib na kapwa rin pinag-uusig ng awtoridad. Ang mga ito ang bumubuo sa kanyang pangkat na pinamumunuan. At sila ay naghihintay lamang na tamang tiyempo at araw upang lumusob.