Kabanata 21:
Mga Pagdurusa ni Sisa
(Ang Buod ng “Noli Me Tangere”)
Lito ang isip na tumatakbong pauwi si Sisa. Matindi ang bumabagabag sa kanyang isip, ang katotohanang sinabi sa kanya ng kawaksi ng Kura. Para siyang tatakasan ng sariling bait sa pag-iisip kung paano maiililigtas sina Basilio at Crispin sa kamay ng mga Sibil. Tumindi ang sikdo ng kanyang dibdib nang papalapit na siya sa kanyang bahay ay natanaw na niya nag dalawang Sibil na papaalis na. Saglit na nawala ang kaba sa kanyang dibdib. Hindi kasama ng mga sibil ang isa man sa kanyang anak.
Gayunman, sa sumunod na sandali, muling sinakmal ng matinding pangamba si Sisa. Nang makasalubong niya ang dalawang Sibil. Pilit na tinatanong siya kung saan niya diumano itinago ang dalawang onsang ninakaw ng kanyang anak. Pilit na pinaamin din siya tungkol sa paratang ng Kura. Kahit na magmamakaawa si Sisa, hindi rin pinakinggan ang kanyang pangangatwiran. Hindi siya pinaniwalaan ng mga Sibil. At sa halip pakaladkad na sinama siya sa kuwartel.
Muling nagsumamo si Sisa, pero mistulang bingi ang kanyang mga kausap. Ipinakiusap ni Sisa na payagan siyang mauna ng ilang hakbang sa nga Sibil habang sila ay naglalakad patungong kuwartel kapag sila ay nasa kabayanan na.
Pagdating nila sa bayan, tiyempong katatpos pa lamang ng misa. Halos malusaw sa kahihiyan si Sisa. Kaagad na ipinasok siya sa kuwartel. Nagsumiksik siyang parang daga sa isang sulok. Nanlilimahid at iisa ang kanyang damit. Ang buhok naman ay daig pa ang sinabungkay na dayami. Gusot-gusot ito. Ang kanyang isip ay parang ibig ng takasan ng katinuan.
Sa bawat paglipas ng sandali, nadagdagan ang kasiphayuan ni Sisa. Magtatanghali, nabagbag ang damdamin ng Alperes. Iniutos na palayain na si Sisa. Ngunit hinang hina na siya. May dalawang oras din siyang nakabalandra sa isang sulok.
Painot-inot na naglakad si Sisa hanggang sa muli siyang makarating sa kanyang bahay. Dagling umakyat siya sa kabahayan . Tinawag ang pangalan ng mga anak. Paulit-ulit, parang sirang plaka. Ngunit hindi niya ito makita, kahit na panhik panaog ang ginawa niya. Tinungo niya ang gulod ,at sa may gilid ng bangin. Wala ang kanyang hinahanap. Patakbo siyang bumalik sa bahay.
Natapunan niya ng pansin, ang isang pilas ng damit ni Basilio na may bahid ng dugo. Hawak ang damit, pumanaog siya ng bahay at tiningnan sa sikat ng araw ang pilas ng damit na nababahiran ng dugo. Nilulukob ng matinding nerbiyos ang buong katawan. Ano na nag nangyari sa kanyang mga anak. Hindi madulumat ang nararamdaman niyang kasiphayuan.
Naglakad-lakad siya kasabay ng pasaglit-saglit na pasigaw ng malakas. Ang banta ng pagkabaliw ay unti unting lumalamon sa kanyang buong pagkatao.
Kinabukasan, nagpalaboy-laboy sa lansangan si Sisa. Ang malakas na pag-iyak, hagulgol at pagsigaw ay nagsasalit at kung minsan ay magkasabay na ipinakita ang kanyang kaanyuan. Lahat ng mga taong nakakasalubong niya ay nahihintakutan sa kanya.