Kabanata 17:

Si Basilio

(Ang Buod ng “Noli Me Tangere”)

Napatigagal si Sisa nang dumating si Basiliong sugatan ang ulo.  Dumadaloy ang masaganang dugo.  Ipinagtapat ni Basilio ang dahilan ng kanyang pagkakasugat.  Siya ay hinabol ng mga guwardiya sibil at pinahihinto sa paglakad.  Pero siya ay kumaripas ng takbo sapagkat nangangamba siyang kapag nahuli siya ay parurusahan siya at paglilinisin sa kuwartel.  Dahil sa hindi niya paghinto siya ay binaril.  Dinaplisan siya ng punglo sa ulo.  Sinabi din niya sa ina na naiwan niya sa kumbento si Crispin.  Nakahinga ng maluwag si Sisa.  Ipinakiusap ni Basilio sa ina, na huwag sabihin kanino man ang dahilan ng kanyang pagkakasugat sa ulo.  At sa halip ay sabihin na lamang na nahulog siya sa puno.

Tinanong ni Sisa kung bakit naiwan si Crispin.  Sinabi ni Basilio na napagbintangan na nagnakaw ng dalawang onsa si Crispin.  Hindi niya sinabi ang parusang natikman ng kapatid sa kamay ng Sakristan Mayor.  Napaluha si Sisa dahil sa awa sa anak.  Sinabing ang mga dukhang katulad lamang nila ang nagpapasan ng maraming hirap sa buhay.  Hindi nakatikim ng pagkain si Basilio.  Kaagad na sinayasat ng ang ina nang malaman na dumating ang ama.  Alam niyang pagdumarating ang ama tumitikim ng bugbog ang ina nito.  Nabanggit ni Basilio na higit na magiging mabuti ang kanilang kalagayan, kung silang tatlo na lamang.  Hitsa puwera ang ama.  Ito ay pinagdamdam ni Sisa.

Sa pagtulog ni Basilio siya ay binangungot.  Sa panaginip niya, nakita niya ang kapatid na si Crispin ay pinalo ng yantok ng kura at sakristan major hangang sa ito ay panawan ng malay tao.  Dahil sa kanyang malakas na pag-ungol, siya ay ginising ni Sisa.  Tinanong ni Sisa kung ano ang napanaginipan nito.  Hindi sinabi ni Basilio ang dahilan at sa halip , kanyang sinabi kung ano ang balak nito sa kanilang pamumuhay.  Ang kaniyang balak ay (1) ihihinto na silang magkakapatid sa pagsasakristan at ipapakaon niya si Crispin kinabukasan din, (2) hihilingin niya kay Ibarra na kunin siyang pastol ng kanyang baka at kalabaw at (3) kung malaki-laki na siya, hihilingin niya kay Ibarra na bigyan siya ng kapirasong lupa na masasaka.

Sa pagsusuri ni Basilio sila ay uunlad sa kanilang pamumuhay dahil siya ay magsisipag sa pagpapayaman at paglilinang sa bukid na kanyang sasakahin kung saka-sakali.

Si Crispin ay mag-aaral kay Pilosopo Tasyo at si Sisa ay titigil na sa paglalamay ng mga tinatahing mga damit.  Sa lahat ng sinasabi ni Basilio, si Sisa ay nasisiyahan.  Ngunit lihim na napaluha ito sapagkat hindi isinama ng anak sa kanyang mga balak ang kanilang ama.

Learn this Filipino word:

tulog-manók