Kabanata 10:
Ang San Diego
(Ang Buod ng “Noli Me Tangere”)
Ang San Diego ay isang karaniwang bayan sa Pilipinas na nasa isang baybayin ng isang lawa at may malalapad na bukirin at palayan. Karamihan sa nakatira rito ay mga magsasaka. Dahil sa kanilang kamangmangan, ang mga inaaning produkto agrikultura ay naipagbibili nila ng murang-mura sa Tsino.
Mula sa pinakamataas na bahagi ng simboryo ng simbahan, halos natatanaw ang kabuuan ng bayan. Sa may itaas na bahagi, may kubo na sadyang itinayo. Gayunman, mapapansin sa pagtanaw sa kabuuan nito ang isang tila pulong gubat na nasa gitna mismo ng kabukiran.
Kagaya pa ng ibang bayan sa Pilipinas, ang San Diego ay mayroong itinatagong alamat. May isa umanong matandang Kastila na dumating sa bayan. Ito ay matatas magsalita ng Tagalog at nanlalalim ang mga mata. Binili niya ang buong gubat. Ang mga pinambayad niya ay mga damit, alahas at salapi. Hindi nagtagal ang matanda ay nawala.
Isang araw ang mga nagpapastol ng kalabaw ay nakaamoy ng masangsang na amoy. Hinanap nila ang pinanggalingan ng amoy at nakita nila ang nabubulok na bangkay ng matanda na nakabitin sa isang puno ng Baliti.
Dahil sa pagkamatay ng matanda, lalo siyang kinatakutan sapagkat nung nabubuhay pa siya, takot na takot sa kanya ang mga babae sa pagkat bahaw ang tinig nito, paimpit kung tumawa at malalalim ang mga mata. Sinunog ng ilan ang damit na galing sa matanda at ang mga hiyas naman ay tinapon sa ilog.
Hindi nagtagal, isang batang mistisong Kastila ang dumating at sinabing siya ang anak ng namatay. Ito ay may pangalang Saturnino. Siya ay masipag at mapusok. Sininop niya ang gubat. Sa kalaunan, nakapag-asawa siya ng isang babaeng taga-Maynila at nagkaroon ng anak na tinawag niyang Rafael o Don Rafael, na siyang ama ni Crisostomo.
Si Don Rafael ay hindi malupit bagkus siya ay mabait. Ito ang dahilan kung bakit kinagiliwan siya ng mga magsasaka. Napaunlad niya ang lugar, mula sa pagiging nayon, ito ay naging bayan.
Nagkaroon ng isang kura Indiyo. Pero, nang namatay si Padre Damaso na ang pumalit at naging kura ng parehong bayan.