Ikatlong Bahagi

(Ang Buod ng “Ibong Adarna”)

Si Don Juan naman ang sumubok magpatihulog sa balon.  Narating niya ang pinakamababang bahagi ng balon at kinalag niya ang tali upang siya ay maglakad.  Namangha siya sa pook na kanyang nakita at nabighani nang makita niya si Donya Juana.  Iniligtas niya ito mula sa kamay ng higanteng nagbabantay dito.  Hinikayat niyang umalis na si Donya Juana, ngunit nag-atubili itong umalis sa dahilan na hindi niya maiiwan ang kanyang bunsong kapatid na si Donya Leonora na hawak naman ng isang serpiyenteng mabagsik na may pitong ulo.  Sa palasyo nagpunta sina Don Juan at Donya Juana.  Namangha din si Don Juan sa kagandahan ni Donya Leonora.  Natalo ni Don Juan ang serpiyente.  Dahil sa pagmamadali ay naiwan ni Donya Leonora ang kanyang singsing na diyamante at ang nadala lang niya ay ang kanyang alagang hayop na lobo.

Agad tinalian ni Don Juan sina Prinsesa Juana at Prinsesa Leonora para mai-akyat palabas ng balon.  Hinila naman nina Don Pedro at Don Diego ang lubid pataas.  Nagkagusto kaagad si Don Pedro kay Donya Leonora sa una pa lamang pagkakita dito.  Paalis na sila nang maalala ni Donya Leonora ang naiwan niyang singsing na diyamante.  Nagkusang-loob si Don Juan na kunin ang singsing.  Muli siyang bumababa sa balon, ngunit sampung dipa pa lamang siyang nakakababa ay agad nang pinutol ni Don Pedro ang lubid.

Nalungkot ng labis si Donya Leonora sa nangyari kay Don Juan.  Nang sila ay aalis na, pinagbilinan niya ang kanyang alagang hayop na lobo na tulungan nito si Don Juan.  Nakarating ng maayos sina Don Pedro, Don Diego, Donya Juana at Donya Leonora sa kaharian ng Berbanya.  Ikinasal si Don Diego kay Donya Juana samantalang si Don Pedro naman ay nabigo ang pag-ibig kay Donya Leonora.

Nakarating ang lobo sa kinaroroonan ni Don Juan at ginamot nito si Don Juan.  Kinuha ni Don Juan ang singsing ni Donya Leonora at umuwi na ito pabalik ng Berbanya.  Sa paglalakad ni Don Juan, siya ay napagod.  Nagpahinga siya sa isang punongkahoy at nakatulog.  Siya namang pagdating ng Ibong Adarna, dumapo sa puno at nagsimulang kumanta.

Ayon sa kanyang kanta, si Juan ay naaalala ni Donya Leonora.  Ngunit, mayroon pang mas maganda kay Donya Leonora.  Ito ay si Donya Maria Blanca na anak ni Haring Salermo ng kaharian ng Delos Cristal.  Si Donya Maria ay maipagkakapuri ni Don Juan sa kanyang amang Haring Fernando, sabi pa ng awit ng Ibong Adarna.

Learn this Filipino word:

pabagsák