Pag-aalay kay Selya - Page 2 of 2

Parang naririnig ang lagi mong wika:
tatlong araw na 'di nagtatanaw-tama,
at sinasagot ko ng sabing may tuwa.
sa isa katao'y marami ang handa.

Ano pa nga't walang 'di nasisiyasat
ang pag-iisip ko sa tuwang kumupas;
sa kagugunita, luha'y lalagaslas,
sabay ang taghoy kong O, nasawing palad!

Nasaan si Selyang ligaya ng dibdib?
ang suyuan nami'y bakit 'di lumawig?
nahan ang panahong isa niyang titig
ang siyang buhay ko, kaluluwa't Langit?

Bakit baga ngayong kami maghiwalay
ay di pa nakitil yaring abang buhay?
kung gunitain ka'y aking kamatayan,
sa puso ko Selya'y, 'di ka mapaparam.

Itong 'di matiis na pagdaralita
nang dahil sa iyo, O nalayong tuwa,
ang siyang umakay na ako'y tumula,
awitin ang buhay ng isang naaba.

Selya'y talastas ko't malalim na umid,
mangmang ang musa ko't malumbay ang tinig;
'di kinabahagya kung hindi malait,
palaring dinggin mo ng tainga't isip.

Ito'y unang bukal ng bait kong kutad
na inihahandog sa mahal mong yapak;
tanggapin mo nawa kahit walang lasap,
nagbuhat sa puso ng lingkod na tapat.

Kung kasadlakan man ng pula't pag-ayop,
tubo ko'y dakila sa pahunang pagod;
kung binabasa mo'y isa mang himutok
ay alalahanin yaring naghahandog.

Masasayang Ninfas sa lawa ng Bai,
Sirenas, ang tinig ay kawili-wili,
kayo ngayo'y siyang pinipintakasi
ng lubhang mapanglaw na musa kong imbi.

Ahon sa dalata't pampang na nagligid,
tonohan ng lira yaring abang awit
na nagsasalitang buhay ma'y mapatid,
tapat na pagsinta'y hangad na lumawig.

Ikaw na bulaklak niring dili-dili,
Selyang sagisag mo'y ang M.A.R.
sa Birheng mag-ina'y ipamintakasi
ang tapat mong lingkod na si F.B.

Nagugunita ni Francisco ang masasaya at malulungkot na sandali ng kanilang lumipas na panahon ni Selya. Kinatatakutan ni Francisco na baka makalimot si Selya sa kanilang pag-iibigan sapagkat noong mga panahong yaon siya ay nakakulong, samantalang si Selya naman ay malaya. Ayon kay Balagtas kailanman ay di niya malilimot ang masasayang araw nila ni Selya na naging daan ng kanilang pagmamahalan. At ngayong siya ay namimighati sa bilangguan ang tangi lamang nakaaaliw sa kanya ay ang paggunita sa larawan ni Selya na inilimbag niya sa kanyang pusong isip at damdamin.

Naalaala rin ni Francisco ang mga lugar na kanilang pinagtatagpuan noong sila ay matamis na nagsusuyuan, gaya ng ilog Beata, puno ng mangga at ilog Makati, dito ay sinasariwa niya ang matamis nilang suyuan. Kaya siya ay nagsisisi kung bakit di niya naitanan si Selya noong panahong yaon. Sana'y di na naagaw ni Mariano Kapule. At siya ay napapaiyak kung nagugunita niya ang nangyari sa kanyang buhay, lagi niyang hinahanap si Selya na nagdulot sa kanya ng libong kaligayahan, sana raw ay din a sila nagkahiwalay. At dahil sa kanyang mga kasawian ay naisip niyang sulatin ang "Florante at Laura" na si Selya ang naging inspirasyon at dito ay inilarawan niya ang tinamong kasawian kay Selya.

Learn this Filipino word:

nakabitíw sa tulós