Kabanata 2: Ang Binatang Nakagapos
8 Sa may gitna nitong mapanglaw na gubat,
may punong Higerang daho'y kulay pupas;
dito nakagapos ang kahabag-habag,
isang pinag-usig ng masamang palad.
9 Bagun-taong basal na ang anyo't tindig,
kahit natatali kamay, paa't liig,
kundi si Narsiso'y tunay na Adonis,
mukha'y sumisilang sa gitna ng sakit.
10 Makinis ang balat at anaki burok,
pilikmata't kilay mistulang balantok;
bagong sapong ginto ang kulay ng buhok,
sangkap ng katawa'y pawang magkaayos.
11 Dangan doo'y walang Oreadang Ninfas,
gubat na palasyo ng masidhing Harp'yas,
nangaawa disi't naakay lumiyag
sa himalang tipon ng karikta't hirap.
12 Ang abang uyamin ng dalita't sakit —
ang dalawang mata'y bukal ang kaparis;
sa luhang nanatak at tinangis-tangis,
ganito'y damdamin ng may awang dibdib.
13 Mahiganting langit! bangis mo'y nasaan?
ngayo'y naniniig sa pagkagulaylay;
bago'y ang bandila ng lalong kasam-an
sa Reynong Albanya'y iniwawagayway.
14 Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
kaliluha'y siyang nangyayaring hari,
kagalinga't bait ay nalulugami,
ininis sa hukay ng dusa't pighati.
15 Ang magandang asal ay ipinupukol
sa laot ng dagat kutya't linggatong;
balang magagaling ay ibinabaon
at inililibing na walang kabaong.
16 Nguni, at ang lilo't masasamang loob
sa trono ng puri ay iniluluklok,
at sa balang sukab na may asal-hayop,
mabangong insenso ang isinusuob.
17 Kaliluha't sama ang ulo'y nagtayo
at ang kabaita'y kimi at nakayuko;
santong katuwira'y lugami at hapo,
ang luha na lamang ang pinatutulo.
18 At ang balang bibig na binubukalan
ng sabing magaling at katotohanan,
agad binibiyak at sinisikangan
ng kalis ng lalong dustang kamatayan.
19 O, taksil na pita sa yama't mataas!
O, hangad sa puring hanging lumilipas!
ikaw ang dahilan ng kasam-ang lahat
at niring nasapit na kahabag-habag!
20 Sa korona dahil ng Haring Linceo,
at sa kayamanan ng dukeng ama ko,
ang ipinangahas ng Konde Adolfo
sabugan ng sama ang Albanyang Reyno.
21 Ang lahat ng ito, maawaing Langit,
iyong tinutungha'y ano't natitiis?
mula ka ng buong katuwira't bait,
pinayagang mong ilubog ng lupit.
22 Makapangyarihang kamay mo'y ikilos,
papamilantikin ang kalis ng poot;
sa Reynong Albanya'y kusang ibulusok
ang Iyong higanti sa masamang-loob.
23 Bakit kalangita'y bingi ka sa akin?
ang tapat kong luhog ay hindi mo dinggin?
'di yata't sa isang alipusta't iring
sampung tainga mo'y ipinangunguling?
24 Datapuwa't sino ang tatarok kaya
sa mahal mong lihim, Diyos na dakila?
walang mangyayari sa balat ng lupa,
'di may kagaligang iyong ninanasa.
Isang binatang nakagapos sa isang puno ng higera sa gitna ng malawak na gubat sa labas ng kahariang Albanya. Ang binatang ito ay si Florante. Tiyak na kamatayan ang kinabibingitan ng kanyang buhay sa dahilang hindi niya maipagtanggol ang kanyang sarili.
Sa Albanya mayroong masasamang-loob ang iniluklok sa trono. Dahil sa pag-iimbot ni Konde Adolfo sa korona ni Haring Linseo at sa kayamanan ng ama ni Florante na si Duke Briseo, sinabugan niya ng kasamaan ang kaharian.