Kabanata 16: Sa Atenas. Si Adolfo

205   Pag-aaral sa akin ay ipinatungkol
sa isang mabait, maestrong marunong;
lahi ni Pitako — ngala'y si Antenor —
lumbay ko'y sabihin nang dumating doon.

206   May sambuwan halos na 'di nakakain,
luha sa mata ko'y 'di mapigil-pigil,
ngunit 'di napayapa sa laging pag-aliw
ng bunying maestrong may kupkop sa akin.

207   Ang dinatnan doong madlang nag-aaral
kaparis kong bata't kabaguntauhan,
isa'y si Adolfong aking kababayan,
anak niyong Konde Silenong marangal.

208   Ang kaniyang tao'y labis ng dalawa
sa dala kong edad na lalabing-isa;
siyang pinupoon ng buong esk'wela,
marunong sa lahat na magkakasama.

209   Mahinhin ang asal na hindi magaso
at kung lumakad pa'y palaging patungo,
mabining mangusap at walang katalo,
lapastangin ma'y hindi nabubuyo.

210   Anupa't sa bait ay siyang huwaran
ng nagkakatipong nagsisipag-aral;
sa gawa at wika'y 'di mahuhulihan
ng munting panira sa magandang asal.

211   Ni ang katalasan ng aming maestro
at pagkabihasa sa lakad ng mundo
ay hindi natarok ang lalim at tungo
ng pusong malihim nitong si Adolfo.

212   Akong pagkabata'y ang kinamulatan
kay ama'y ang bait na 'di paimbabaw,
yaong namumunga sa kaligayahan,
nanakay sa pusong suyui't igalang.

213   Sa pinagtatakhan ng buong esk'wela
bait ni Adolfong ipinapakita,
'di ko malasapan ang haing ligaya
ng magandang asal ng ama ko't ina.

214   Puso ko'y ninilag na siya'y giliwin,
aywan nga kung bakit at naririmarim;
si Adolfo nama'y gayundin sa akin,
nararamdaman ko kahit lubhang lihim.

Ang guro ni Florante sa Atenas ay si Antenor, isang mabait at matalinong guro doon. Sa Atenas niya nakilala ang kababayang si Adolfo, anak ni Konde Sileno, na tampulan ng paghanga ng kanyang mga guro, at ng kanyang mga kamag-aral dahil sa katalinuhan at kagandahang-asal nitong pinapakita.

Learn this Filipino word:

tísuring bató