Kaligirang Pangkasaysayan ng Salawikain
Ang salawikain ay mga butil ng karunungang kinapalalamnan ng mabuting payo at hango sa tunay na buhay. Ito’y inihanay ng patula at katulad ng bugtong ito’y matandang panitikan na nagpapasalin-salin sa bibig ng ating mga ninuno. Ito’y nagiging gabay ng matanda at bata sa pakikisalamuha sa matuwid na landas ng buhay. Noong 1890 ay nalathala ang isang manipis na babasahin na kinapapalooban ng mga salawikain at kasabihang Tagalog. Ang lathala ay pinamagatang Colleccion de Refranes, Frases Y Modismo Tagalog na isinalin at ipinaliwanag sa Kastila nina P. Gregorio Martin at Mariano Cuadrado at isinaayos ni P. Miguel Lucio Bustamante. Ito’y naglalaman ng 876 na kasabihan at salawikain at iniayos ng paabakada batay sa mahalagang salita ng salawikain.
Si Dr. Reinhold Rost, patnugot ng Truebner’s Record, isang lathalain ukol sa mga kaalaman sa Asya, ay humingi kay Dr. Jose P. Rizal ng artikulo. Bilang tugon, ipinalathala ni Dr. Rizal noong Mayo, 1889 ang Specimens of Tagalog Folklore. Ito’y naglalaman ng mga salawikain at bugtong sa Pilipinas.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nawawala ang kasariwaan n gating mga salawikain at nagiging bahagi ng ating mga pagsasalita.