Ang Pamanhikan - Page 3 of 3
AWIT:
- Una:
- Ang pagsasabi ng tapat
Pagsasama ng maluwat
At kung putik din lamang at putik
Tatapatin na at nang malapit. - Ikalawa:
- Kung ako'y mag-aasawa..........
- TATA JUAN:
- Kayo'y pumalaot sa lunday ng pag-ibig
Sinisiyasat po ba ang tibay ng katig
Sapat ba ang tibay ng pagkakakapit
Upang itong layo'y madaling masapit? - NANA TOYANG:
- Kaming sinusuyo't pinamamanhikan
Ay di po mahirap na pakipag-usapan
Kaya ang mabuti, tugunin ang pakay
Ang pagkakayari ating pag-usapan. - KAPITAN:
- Mahal na kanayon, sa inyong tinuran
Narating na namin ang paroroonan
Yaman sadya naming pamamanhikan
Malugod na tinanggap at pinairugan. - TATA INDO:
- Mahabang mahaba man daw ang prusisyon
Tiyak na sa loob ng simbahan ang tuloy
Kaya hiling ko sa tanang kanayon
Ang pagkakayari ay siyang maging layon.
(Si Nana Toyang at Nana Rosa ay lalapit
sa mesitang kinaroroonan ng imahen ng
Sagrada Pamilya at dalawang kandila.
Sisindihan ang kandila. Luluhod ang
lahat. Sa pangunguna nina Nana Toyang
at Nana Rosa ay magdarasal gaya nito:) - LAHAT:
- Mahal na Imahen ng Banal na Angkan
Kayo po ay saksi sa aming usapan
Matrimonyong handog na sa dilag ay alay
Ng binata nami'y inyo pong kasihan
(Magsisitindig at waring masaya ang lahat) - NANA ROSA:
- Yamang nakadaong na itong aming bangka
Sa pampang ng nais na aming sinadya
Ang dulang ng ibig ngayo'y ihahanda
At pag-uusapan na angn araw na takda. - MGA KAIBIGAN:
- Magaling! Magaling!
- NANA ROSA:
- (Magdudulot ng mga baso ng inumin)
Aming nakayana'y inyo nang pagdamutan. - IMPONG MARIA:
- (Nakaupo sa tumba-tumba) Wari ba'y talagang hindi na mauurong ang paglagay ng apo ko sa tahimik, ha? (Iiyak)
- KAPITAN:
- (Aaluin) Impo, pumayag na kayo. Ayaw na ninyo niyan, ang isa ninyo'y naging dalawa?
At ang dalawang ito'y magiging isa. - IMPONG MARIA:
- Naku, huwag ninyo akong daanin sa mga abla-ablang ganyan. Si Neneng ay bata pa at para sa akin ay hindi pa dapat mag-asawa.
- TATA JUAN:
- Inang, kami na ho ang nakikiusap sa inyo. Pumayag na kayo ng maluwag sa loob.
- NANA TOYANG:
- At nang maging mapayapa at matagumpay ang landas ng dalawa.
(Matatahimik ang lahat at ang pinakikiramdaman ay ang kilos ni Impong Maria) - IMPONG MARIA:
- (Titingnan si Luis, medyo iirap, gayon ding tingin ang iuukol kay Tata Indo at Nana Rosa)
Saan gagawin ang kasalan?
Ang gusto ko'y en grandeng kasalan. - NANA TOYANG:
- (Mabilis na mapapalapit kay Impong Maria.)
Inang! Nakakahiya po! Bayaan na ninyo sila sa bagay na iyan. - IMPONG MARIA:
- Oy, Victoria, bayaan mo ako. Kung ikaw na ina ay walang dila, hamo't ako ang bahala.
- TATA INDO:
- A, Impo, magbubuwal po tayo ng dalawang baka.
- IMPONG MARIA:
- (Galit) Dalawang baka lamang. Iyon lamang ba ang kalidad ng apo ko. Aba, e titser si Neneng ko. Kung dalawang baka lamang ang handa ay hindi na natin itutuloy ang kasalan.
- TATA JUAN:
- Inang naman!
- ISANG KASAMA:
- Ay naku hindi pa yata matutuloy ang kasalan.
- NANA TOYANG:
- Naku! Inang nakahihiya naman.
- IMPONG MARIA:
- Oy, Victoria, huwag mo akong pakialaman at pangaralan, alam ko ang ginagawa ko. Pinangangalagaan ko lamang ang kapakanan ng apo ko.
- KAPITAN:
- (Parang aamuin si Impo) Impong Maria, humiling po kayo kahit ano at handa po kaming tumalima, hindi ba mga kanayon?
- LAHAT:
- Opo, Kapitan.
- TATA INDO:
- Impo, kung kailangan pong magkaroon ng masayang salu-salo, kami po ay handang sumunod.
- IMPONG MARIA:
- Dapat!
- TATA INDO:
- Kahit po apat o anim na baka ay ipabubuwal natin.
- IMPONG MARIA:
- Ano pa?
- TATA INDO:
- At saka po pitong baboy at .............
- IMPONG MARIA:
- Pitong baboy? Ayoko! Hindi matutuloy ang kasalan.
- TATA INDO:
- Aba, e bakit po?
- IMPONG MARIA:
- Bawasan mo ng isa. Ayoko ng gansal, kailangan ay laging pares, para magsama ng habang buhay ang dalawa.
- TATA INDO:
- Masusunod po, Impo. Masusunod ang hiling ninyo
- IMPONG MARIA:
- Hayan, kung ganyan ba e di hindi na ako tumututol.
- MGA KASAMA:
- (Magpapalakpakan ang lahat)
Tuloy ang kasalan...............
Mabuhay si Neneng at su Luis!
Pages
- « first
- ‹ previous
- 1
- 2
- 3