Ang PamanhikanAng Pamanhikan - Page 2 of 3

NANA TOYANG:
(Abalang-abala sa pag-aayos ng sala, halatang may hinihintay sa panauhin) Oy, tulungan mo naman ako sa sopang ito. Ibago natin ng ayos.
TATA JUAN:
(Ibababa ang binabasang pahayagan) E, bakit ba naman ang abay ko e, ginagahol sa pag-aayos ng sala?
NANA TOYANG:
Aba, taong ire naman. Nalimutan mo na ba ang pasabi ng mga magulang ni Luis na magsasadya sila rito ngayon. Hindi ka ba naman nahihiya na darating na magulo ang pamamahay.
TATA JUAN:
Bakit, bahay ba ang kanilang sasadyain o ang taong namamahay?
NANA TOYANG:
O, ang taong ire. Pero basta't gusto kong datnang maayos ang bahay.
TATA JUAN:
Aruu, masyado ka namang nagpapahalata ng panganganino sa babalaihin natin, ha.
NANA TOYANG:
E, kung hindi nga lang ba kasama ang Kapitan ng Barangay at ang kanyang maybahay, e ano na sa atin. Pero...
TATA JUAN:
(Tatayo at tutulong sa pag-aayos) O, siya, siya. Saan ba ito ilalagay at baka abutan tayo na nag-aayos pa ng pamamahay.
IMPONG MARIA:
(Lalabas buhat sa silid) Ano ba iyang naririnig ko na mayroon daw mamamanhikan dito, Toyang, ha? (Uupo sa tumba-tumba, iniaayos ang salamin.) Talaga bang payag na kayo ni Juan na lumagay sa tahimik si Neneng, ha?
NANA TOYANG:
(Nag-aalala) E, hindi pa nga ho sana, pero...
IMPONG MARIA:
(Galit) Anong peru-pero. Sabihin mo na nang tuwiran. Ayoko ng mga paliguy-ligoy na usapan.
NANA TOYANG:
(Lalapit sa asawa) Hoy, ikaw na nga ang magsabi sa Inang.
TATA JUAN:
E, di sabihin mo na... (Magpipilitan ang dalawa sa pagsasabi)
IMPONG MARIA:
(Nagdidikdik ng itso) Ano't hindi na kayo nakasagot.
NANA TOYANG:
(Lalapit) Ang totoo ho, Inang e, nagsabi na sa amin sina Neneng at Luis. Gusto na raw nilang lumagay sa tahimik.
TATA JUAN:
Kung sabagay, si Luis po naman Inang ay mabait, masipag at may matatag na hanapbuhay na. At nasa edad na po naman ang dalawa.
IMPONG MARIA:
Aba, ay hindi na ninyo ako kinunsulta. Ako pala'y nakatunganga sa bahay na ito ay may niluluto na kayo. At darating na pala ang mga mamamanhikan e wala akong kamalay- malay. Naku, e, sino na nga ba ako sa bahay na ito, matandang pakainin. Hu - hu - hu (Iiyak)
TATA JUAN:
Si Inang naman. Hindi po naman sa ganoon. Talaga naman pong sasabihin namin sa inyo.
IMPONG MARIA:
Magtigil ka. (Tatabigin) kung hindi pa ako nagtanong, e. Ang lagay ko'y dilat ang mata at panis ang laway, e may nangyayari na pala rito. (Iiyak)
NANA TOYANG:
Inang!
IMPONG MARIA:
Oy, Victoria tumigil ka. (Makikita si Neneng na sisilip-silip sa pinto) Oy, Nenita, halika nga rito. Ano't sisilip-silip ka riyan? (Lalapit si Neneng)
NENENG:
Wala po.
IMPONG MARIA:
Ibig mong sabihin mapakinggan ang usapan namin ano? (Akmang kukurutin si Neneng, iilag si Neneng at babalik sa silid.) Noong kapanahunan namin, inililipat kami sa ibang bahay at nang huwag marinig ang pinag- uusapan. E, ngayon, sa panahong ito............
NANA TOYANG:
Naku! Naririto na sila. (Maririnig ang pagdating ng mga tao. May bahagyang tunog ng gitara)
TATA INDO:
(Sa itaas ng tanghalan. Titingin sa mga kasama).
Mga kasama tayo ay tumigil,
Pagkat tahanang minimithi ay atin nang narating;
Sa may bahay, tayo'y manawagan muna,
Sa hagdang mapalad, papanhikin sana.
KAPITAN:
(Nakatingin sa itaas ng bahay)
Isang magandang gabi ang aming bati sa ginoo at ginang ng tahanang mithi.
Dinggin po sana tawag naming ito, pati pagpupugay na bati sa inyo.
Handog nami't alay itong disposoryo dakila at tapat. Nawa'y marapatin ninyo.
TATA JUAN:
Ako ay nabaghan sa inyong pagdating
Hindi inakalang kami'y sasadyain,
At munti naming dampa'y inyong papanhikin
Inakala kong kayo'y may pakay sa amin.
TATA INDO:
Nang kami'y palaot
Sa dagat ng ibig
Natanaw po naming pampang ay malapit.
Kaya ang paggaod ay lalong pinabilis sa hangad pong narating ang pampang ng nais.
KAPITAN:
Ang bangka po namin at maliit lamang
Ngunit di agad magugupo ng bagyong masasal
Magalang, masipag, aming taga-sagwan
Binata ng nayon, inhinyerong batikan.
Bangkilas nga lamang at may kaliitan.
Ngunit maari ring maglulan ng sakay;
Sa dagat ng pag-ibig, ang lulan at tagasagwan
Ay buong luwalhating makapaglalakbay.
TATA JUAN:
Nais kong linawin itong kasabihan
Madaling makuha'y madaling palitan
Ngunit yaong bagay na pinaghirapan
Itaga sa bato, mahirap pong iwan.
TATA INDO:
May kawikaan din pong malimit marinig. Sa harapang ito'y tulutang maulit.
Na kung itong landas, putik din at putik
Tapatin na natin, sa gayo'y nang malapit.
KAPITAN:
Aanhin ko pa bagang arukin ang lalim
Ng dagat na itong nais nating tawirin
Mabuti po yata ay ating tanungin
Itong isasakay nang hindi gabihin.
Mahal na magulang ng dilag na sinta
Ano po ang nais, saan ba ang punta?
Kami ng nananawagan ay nahahanda na
Sa inyong kahilingan, dagling tatalima.
KAPITAN:
Kaya kung papayag
Na kami'y umakyat
Sa hagdang sinukat
Ng mga pangarap
Ang pakay ng lahat
Matrimonyong tapat
Sa dalagang liyag.
NANA TOYANG:
Kung gayo'y magtuloy
Kayo'y magsipanhik
Sa tirahan naming
Dampa at maliit.
TATA JUAN:
Ngunit tandaang
Ang inyong pagpanhik
Ay hindi pahiwatig
Ng aming pagdinig
Sa inyong hinaing
Na inihihibik
(Papanhik ang mga panauhin)
TATA INDO:
Ugali nating
Daanin sa tula at awit
Ang alin mang nais na tapat sa dibdib
Pakinggan po natin mga mang-aawit
Na siyang maglalahad nitong ninanais.

Learn this Filipino word:

mababang-loób