Bakit May Pulang Palong Ang Mga Tandang
(Kuwentong-bayan / Folktale)
Nakapagtataka kung bakit may pulang palong ang mga tandang. Kapansin-pansin din na kapag pulang-pula ang palong ng tandang ay magilas na magilas ito. Para bang binata na nagpapaibig sa mga dalaga.
Ayon sa kuwento, may mag-ama raw napadpad ng bagyo sa isang baryo sa pulo ng Masbate. Ang ama ay nakilala ng mga tao sa nayon dahil sa kawili-wiling mga palabas nito na mga salamangka o mahika. Tinawag nilang Iskong Salamangkero ang kanilang bagong kanayon. Bukod sa pagiging magalang, masipag, mapagkumbaba ay mabuting makisama sa mga taga nayon si Iskong Salamangkero. Madali siyang nakapaghanap ng masasakang lupa na siyang pinagmulan ng kanilang ikinabubuhay na mag-ama.
Kung anong buti ng ama ay siya namang kabaliktaran ng anak nitong si Pedrito. Siya ay tamad at palabihis. Ibig ni Pedrito na matawag pansin ang atensyon ng mga dalagita. Lagi na lamang siyang nasa harap ng salamin at nag-aayos ng katawan. Ang paglilinis ng bahay at pagluluto ng pagkain na siya lamang takdang gawain ni Pedrito ay hindi pa rin niya pinagkakaabalahan ang pag-aayos ng sarili. Kapag siya ay pinagsasabihan at pinangangaralan ng ama ay nagagalit siya at sinagot-sagot niya ito.
Isang tanghali, dumating sa bahay si Iskong Salamangkero mula sa sinasakang bukid na pagod na pagod at gutom na gutom. Dinatnan niya na wala pang sinaing at lutong ulam si Pedrito. Tinawag niya ang anak ngunit walang sumasagot kaya pinuntahan niya ito sa silid. Nakita niya sa harap ng salamin ang anak na hawak ang pulang-pulang suklay at nagsusuklay ng buhok.
Pedrito, magsaing ka na nga at magluto ng ulam. Gutom na gutom na ako, anak,
wika ni Iskong Salamangkero.
Padabog na hinarap ni Pedrito ang ama at kanyang sinagot ito.
Kung kayo ay nagugutom, kayo na lamang ang magluto. Ako ay hindi pa nagugutom.
At nagpatuloy ng pagsusuklay si Pedrito ng kanyang buhok.
Nagsiklab ang galit na si Iskong Salamangkero sa anak. Sinugod niya si Pedrito at kinuha ang pulang suklay. Inihampas niya ito sa ulo ng anak at malakas niyang sinabi: Mabuti pang wala na akong anak kung tulad mong tamad at lapastangan. Sapagkat lagi la na lamang nagsusuklay ang pulang suklay na ito ay mananatili sana iyan sa tuktok ng iyong ulo.
At idiniin ni Isakong Salamangkero ang pulang suklay sa ulo ni Pedrito.
Dahil sa kapangyarihang taglay ni Isko bilang magaling na salamangkero, biglang naging tandang ang anak na tamad at lapastangan. At ang suklay sa ulo ni Pedrito ay naging pulang palong. Hanggang sa ngayon ay makikita pa natin ang mapupulang palong sa ulo ng mga tandang.