Syensya at Teknolohya
(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)
- Seksyon 10
-
Napakahalaga ng syensya at teknolohya sa pambansang pag-unlad at pagsulong. Dapat mag-ukol ng prayoriti ang Estado sa pananaliksik at pagbubuo, imbensyon, inobasyon, at sa pagsasagamit ng mga ito; at sa edukasyon, pagsasanay at mga lingkurang pangsyensya at panteknolohiya. Dapat suportahan nito ang mga kakayahang siyentipiko at teknolohikal na katutubo, angkop at umaasa sa sariling kakayahan at ang kanilang kabagayan sa mga sistemang pamproduksyon at pambansang kapamuhayang pambansa.
- Seksyon 11
-
Maaaring magtadhana ang Kongreso para sa mga insentibo, kasama ang mga kabawasan sa bwis, upang maganyak ang paglahok na pribado sa mga programa ng batayan at gamiting pananaliksik na siyentipiko. Dapat magkaloob ng mga iskolarship, kaloob-na-tulong, o iba pang mga anyo ng mga insentibo sa mga karapat-dapat na estudyante sa syensya, mga mananaliksik, mga sayantist, mga imbentor, mga teknolodyist, at mga mamamayang may natatanging likas na talino.
- Seksyon 12
-
Dapat regulahin ng Estado ang paglilipat at itaguyod ang pag-aangkop ng teknolohiya mula sa lahat ng batis para sa pambansang kapakinabangan. Dapat pasiglahin nito ang pinakamalawak na paglahok ng mga pribadong pangkat, mga pamahalaang lokal, at mga organisasyong salig-pamayanan sa paglikha, at pagsasagamit ng syensya at teknolohiya.
- Seksyon 13
-
Dapat pangalagaan at seguruhin ng Estado ang mga eksklusibong karapatan ng mga sayantist, mga imbentor, mga artist at iba pang mga mamamayang may likas na talino sa kanilang ari at mga likhang intelektwal, lalo na kung kapaki-pakinabang sa sambayanan para sa panahong maaaring itakda ng batas.