Repormang Pansakahan at Panlikas na Kayamanan

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 4

Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas, ng programa sa repormang pansakahan na nakasalig sa karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid, na mga walang lupa, na tuwiran o sama-samang magmay-ari ng mga lupang kanilang sinasaka o, sa kalagayan ng iba pang mga manggagawa sa bukid, tumanggap ng karampatang kaparte sa mga bunga niyon.  Tungo sa layuning ito, dapat magpasigla at magsagawa ang Estado ng makatwirang pamamahagi ng lahat ng mga lupang pansakahan, na sasailalim sa mga prayoriti at sa makatwirang mapapanatiling mga sukat na maaaring itakda ng Kongreso, na nagsasaalang-alang sa mga konsiderasyong pang-ikolodyi, pangkaunlaran, o pagkamakatarungan, at batay sa pagbabayad ng makatwirang kabayaran.  Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng maliliit na may-ari ng lupa sa pagtatakda ng mga retensyon limit.  Dapat ding maglaan ang Estado ng mga insentibo para sa boluntaryong pagbabahagi ng lupa.

Seksyon 5

Dapat kilalanin ng Estado ang karapatan ng mga magsasaka, mga manggagawa sa bukid, at mga may-ari ng lupa, gayon din ng mga magsasaka na lumahok sa pagpaplano, pagbuo, at pamamahala ng programa, at dapat maglaan ng suporta sa pagsasaka sa pamamagitan ng angkop na teknolohiya at pananaliksik, at sapat na mga lingkuran sa pananalapi, produksyon, pagsasapamilihan, at iba pang mga lingkurang pantulong.

Seksyon 6

Dapat ipatupad ng Estado ang mga simulain ng repormang pansakahan o stewardship kailanma't mapaiiral nang naaalinsunod sa batas sa pamamahagi o paggamit ng iba pang mga likas na kayamanan, kasama ang mga lupaing pambayan na angkop sa pagsasaka sa ilalim ng pamumuwisan o konsesyon, batay sa mga karapatang nauuna, mga karapatan sa homestead ng maliliit nananahanan, at mga karapatan ng katutubong mga pamayanan sa kanilang minanang mga lupain.

Maaaring ipanahanan ng Estado ang mga magsasakang walang lupa at ang mga manggagawa sa bukid sa sarili nitong mga lupaing pansakahan na ipamahagi sa kanila sa paraang itinakda ng batas.

Seksyon 7

Dapat pangalagaan ng Estado ang mga karapatan ng mga mangingisdang tawid-buhay, lalo na ng mga lokal na pamayanan, sa may pagtatanging paggamit ng mga kayaman sa tubig at pangisdaan na para sa lahat, kapwa sa mga tubigang panloob at sa dagat.  Dapat na maglaan ito ng suporta sa mga mangingisdang iyon sa pamamagitan ng angkop na teknolohiya at pananaliksik, sapat na tulong na nauukol sa pananalapi, produksyon at pagsasapamilihan, at iba pang mga lingkuran.  Dapat ding pangalagaan, paunlarin at ikonserba ng Estado ang mga kayamanang iyon.  Dapat umabot ang pangangalaga sa mga pangisdaan sa dagat ng mga mangingisdang tawid-buhay laban sa pagpasok ng dayuhan.  Dapat tumanggap ang mga manggagawa sa pangisdaan ng karampatang kaparte sa kanilang pagtatrabaho sa pakinabang sa mga kayamanan sa tubig at pangisdaan.

Seksyon 8

Dapat maglaan ang Estado ng mga insentibo sa mga may-ari ng lupa sa pamumuhunan ng tinanggap na kabayaran sa programa sa repormang pansakahan upang itaguyod ang industriyalisasyon, lumikha ng mga hanapbuhay, at isapribado ang mga negosyo ng sektor publiko.  Ang mga kasangkapang pampananalapi na ginamit na kabayaran sa kanilang mga lupain ay dapat tanggaping ikwiti sa kanilang piniling mga negosyo.

Learn this Filipino word:

kamáy na bakal