Artikulo XVII:

Mga Susog o mga Pagbabago

(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas)

Seksyon 1

Ang ano mang susog o pagbabago sa Konstitusyong ito ay maaaring ipanukala:

  1. ng Kongreso sa pamamagitan ng tatlong-kapat na boto ng lahat ng mga Kagawad nito; o
  2. sa pamamagitan ng isang Kumbensyong Konstitusyonal.
Seksyon 2

Ang mga susog sa Konstitusyong ito ay maaari ring tuwirang ipanukala sa pangunguna ng mga taong-bayan sa pamamagitan ng petisyon ng labindalawang bahagdan man lamang ng kabubuang bilang ng mga rehistradong manghahalal, kinakailangang katawanin ang bawat purok lehislatibo ng tatlong bahagdan man lamang ng mga rehistradong manghahalal niyon.  Hindi dapat pahintulutan ang ano mang susog sa ilalim ng seksyong ito sa loob ng limang taon kasunod ng ratipikasyon ng Konstitusyong ito ni nang malimit kaysa sa minsan tuwing limang taon pagkatapos noon.

Dapat magtadhana ng batas ang Kongreso ukol sa pagsasakatuparan ng paggamit ng karapatang ito.

Seksyon 3

Ang Kongreso, sa pamamagitan ng dalawang-katlong boto ng lahat ng Kagawad nito, ay maaaring tumawag ng isang Kumbensyong Konstitusyonal, o sa pamamagitan ng nakararaming boto ng lahat ng mga Kagawad nito, ay iharap ang suliranin ng pagtawag ng gayong Kumbensyon sa mga manghahalal.

Seksyon 4

Ang ano mang susog o pagbabago sa Konstitusyong ito sa ilalim ng Seksyon 1 nito ay dapat na balido kapag naratipikahan ng nakakaraming boto sa isang plebisito na dapat ganapin nang hindi aaga sa animnapung araw at hindi lalampas ang siyamnapung araw pagkapagtibay ng gayong susog o pagbabago.

Ang ano mang susog sa ilalim ng Seksyon 2 nito ay dapat na balido kapag naratipikahan sa bisa ng nakararaming boto sa isang plebisito na dapat ganapin nang hindi aaga sa animnapung araw at hindi lalampas ang siyamnapung araw pagkatapos ng sertipikasyon sa kasapatan ng petisyon ng Komisyon sa Halalan.

Learn this Filipino word:

bisig