Ang Alamat ng Sampaguita

Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat.  Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa matatanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.

Noo’y panahon ng mga baranggay at datu.  Ang Balintawak at ang Gagalangin ay barangay na magkapit-lugar.  Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan, na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan.  Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak.  Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.

Ang datu ng Balintawak ay mayroong isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali.  Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapua’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin, sila ang nag-aasikaso sa kanyang panganagailangan.  Maraming binatang nangingibig sa kanya, ngunit ang nabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng Gagalangin na nagngangalang Delfin.

Nakapagtataka kung bakit nagkaibigan ang dalawa gayong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway.  Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita, walang halong pag-iimbot, walang masamang hangarin.  Sa isang sulok ng bakod ng hangganan gumawa si Delfin ng isang lihim na lagusang madaraanan papunta kay Rosita.  Kung gabing maliwanang ang buwan, malimit daw mamasyal si Rosita kasama si Delfin.  Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinapanood nila ang kaayaayang mukha ng buwan.  Ang pag-iibigang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.

Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hangganan ng bakod ay binuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak.  Nag-utos siya sa ilan niyang tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak.   Nang sila’y magbalik, tumanggap siya ng balita na ang bagong bakod ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatwid ay nabawasan ang kanilang lupa.  Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.

Sabihin ninyo, anya sa mga utusan, na ibalik ang bakod sa dating kinatatayuan.  Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka’t tunay na isang pagnanakaw.

Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin at sinabi sa kanya ang bilin ng datu roon.  Sabihin ninyo sa inyong datu, na ako’y hindi magnanakaw.  Ang bakod ay binabalik ko lamang sa dapat kalagyan ayon sa natuklasan ng aking mga nuno.

Nag-alab ang dugo ng ama ni Delfin sa tinanggap niyang balita.  Sa gayong mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.

Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo.  Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya.  Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal.  Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay.  Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na pananagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.

Ridgeview Estates NUVALI Each moment as perfect as the first Calamba, Laguna