Kabanata 49:

Ang Tinig ng mga Pinag-uusig

(Ang Buod ng “Noli Me Tangere”)

Nang lumulan si Ibarra sa bangka ni Elias, waring ito ay hindi nasisiyahan.  Kaya, kaagad na humingi ng paumanhin si Elias sa pagkagambala niya sa binata.  Sinabi ni Ibarra ang dahilan, nakasalubong niya ang Alperes at gusto nitong muli na magkausap.  Dahil nag-aalala siyang makita si Elias, nagdahilan na lamang siya.  Nanghinayang naman ang binata ng sabihin ni Elias na di siya matatandaan ng Alperes.  Saglit na napabuntong-hininga si Ibarra sapagkat biglang pumasok sa kanyang isip ang kanyang pangako kay Maria.

Hindi na nag-aksaya ng panahon si Elias sinabi niya kaagad kay Ibarra na siya ang sugo ng mga sawimpalad.  Ipinaliwanag niya ang napagkasunduan ng puno ng mga tulisan (si Kapitan Pablo) na hindi na binanggit pa ang mga pag-aalinlangan at pagbabala.  Ang kahilingan ng mga sawimpalad, ani Elias ay (1) humingi sila ng makaamang pagtangkilik sa Gobyerno na katulad ng mga ganap na pagbabago sa mga kawal na sandatahan, sa mga prayle, sa paglalapat ng katarungan at sa iba pang pangangasiwa ng Gobyerno (2) pagkakaloob ng kaunting karangalan sa pagkatao ng mga tao, ang kanilang kapanatagan at bawasan ang lakas at kapangyarihang taglay ng mga Sibil na madalas na nagiging puno’t dulo ng paglapastangan sa karapatang pantao.

Tumugon si Ibarra na anumang pagbabago na sa halip na makakabuti ay lalo pang makakasama.  Sinabi nitong maaari niyang pakilusin ang kanyang mga kaibigan sa Madrid sa pamamagitan ng salapi at pati na ang Kapitan-Heneral ay kanyang mapapakiusapan, ngunit lahat sila ay walang magagawa.  Siya man ay hindi gagawa ng anumang pagkilos ukol sa mga bagay na iyon sapagkat kung may kasiraan man ang korporasyon, ay matatawag naman nilang masasamang kailangan.

Nagtaka si Elias, hindi niya sukat akalaing ang isang tulad ni Ibarra ay naniniwala sa tinatawag na masamang kailangan na para bang nais palabasin nito na kailangang gumawa muna ng masama upang makapagdulot ng mabuti.  Naniniwala siya na kapag ang sakit ay malala, kailangang gamutin ng isang mahapding panlunas.  Ang sakit ng bayan ay malubha kaya’t kailangan ang kaparaanang marahas kung ito ay makakabuti.  Ang isang mabuting manggagamot, anya ay sinusuri ang pinagmulan ng sakit at hindi ang mga at hindi ang mga palatandaan nito na sinisikap na bigyan ng lunas.  Katulad ng mga Sibil na sa pagnanais daw na masugpo ang kasamaan, ito’y iniinis sa pananakot, paggawa ng marahas at walang habas na paggamit ng lakas.  At kapag pinahina ang Guwardiya Sibil ay malalagay naman sa panganib ang katahimikan ng bayan.  Paano raw magkakagayon gayong 15 taon nang may mga Sibil, ngunit ang mga tulisan ay patuloy pa rin sa pandarambong.  Ang mga Sibil ay walang naidudulot na kabutihan sa bayan sapagkat kanilang pinipigil at pinahihirapan ang isang tao kahit na marangal dahil lamang sa nakalimutan ang cedula personal, at kapag kailangang malinis ang kanilang mga kuwartel, ay manghuhuli sila ng mga kaawa-awang mamamayan na walang lakas na tumutol.

Napag-usapan pa nila na bago itatag ang Guardia Sibil nanunulisan ang mga tao dahil sa matinding pagkagutom.  Binigyang diin naman ni Elias na ang mga sawimpalad na hinihingi ng bayan ang pagbabago sa mga palakad ng mga prayle at ng isang pagtangkilik laban sa korporasyon.  Pero, sinabi naman ni Ibarra na may utang na loob na dapat tanawin ng bayan sa mga paring pinagkakautangan ng pananalig at patangkilik noon laban sa mga pandarahas ng mga may-kapangyarihan.

Lumitaw sa pagpapalitan ng kuro-kuro ng dalawa na kapwa nila mahal ang bayan.  Pero, hindi napahinuhod ni Elias si Ibarra tungkol sa pakiusap ng mga sawimpalad.  Kaya, ipinahayag niya kay Ibarra na sasabihin na lamang daw niya sa mga ito na ilipat na sa Diyos o sa kanilang mga bisig ang pagtitiwala na sa kapwa tao na di magtatamong-pala.

Ridgeview Estates NUVALI Each moment as perfect as the first Calamba, Laguna