Dalawang Pabulang Silanganin - Page 5 of 7

(Isinalin sa Tagalog ni Federico B. Sebastion mula sa “Two Eastern Fables” ni Dr. José Rizal)

Tagalog version

Mayroon din sa mga Pulo ng Bisaya ng kuwentong Tagalog na ito kahit may kaunting pagkakaiba.  Hindi naming malaman kung ito ay may iba pang kahawig sa Kapuluan ng Malaya, sa Sumatra o sa Haba.  Kung mayroon man, ang pagtutulad sa kuwentong Tagalog ay makapagbibigay ng liwanag tungkol sa pinagmulan.  Samantala’y masisiyahan muna tayo sa isang pagsusuri at pagbibigay ng ilang pasiyang magbubuhat sa isang masusing pagtutulad sa dalawang kuwento.

Magkahawig ang simula ng dalawang kuwento, lamang ay alimango ang sa Hapon at hindi pagong.  Mahalaga ang sa pagbabagong ito.  May nagsabi sa akin nang ako’y nasa Hapon na ang pagong sa mga tao roon ay isang tanda ng kawalang-hanggan o kaya’y tanda ng isang bagay na kagalang-galang, banal, at iba pa, na maaaring may kinalaman ang kabihasnang Intsik.  Hindi ganito sa mga Tagalog.  Ang tingin nila sa pagong ay isang kaawa-awa, maliit at walang malay na bagay, ngunit maingat sa pamamaraan, higit na kinaaawaan kaysa hangaan o igalang kaya.  Ngunit mayroon din sa Pilipinas na isang pamahiin na ang sinumang tumapak sa pagong ay magkakaroon ng bitak-bitak sa paa.  Ito marahil ay isang makalumang pamahiing ikinalat upang masaway ang pagtapak ng mahaharot na mga bata sa kaawa-awa’t mabagal-lumakad na mga pagong.

Ang punong saging sa Pilipinas ay higit na totoo’t likas kaysa buto ng kaki at tinapang tinapay sa kuwentong Hapon.  Walang punong saging sa Hapon kaya marahil napilitan ang mga tao roong tanggapin ang mga pagbabago.  Marahil ay isang katalinuhan kaya ang pakikipagpalit ng isang pirasong tinapay sa buto ng kaki.  Ang tinapang tinapay ay nagpapakilala ng lalong maunlad na kabihasnan kaysa isang punong saging lamang.  Higit rito, ang pariralang, Ito (ang buto ng kaki) ay tumubo noon din, at naging isang punongkahoy…  Ang punongkahoy ay nahitik sa bunga ng kaki ay higit na nababagay sa isang punong-saging kaysa buto ng kaki.  Tangi pa rito, ang mga punong saging ay madalas na binubunot ng mga tao, gaya ng ginawa ng pangunang mga tauhan ng ating kuwento, itinatanim nila at pinipitas ang mga bunga (o ang pusong nagbibigay ng mga bunga) sa loob ng tatlo o apat na araw.  Ang pangyayaring ito ay hindi nangyayari sa buto ng kaki.  Kaya lubos ang aming paniniwalang higit na katutubo ang kuwentong Tagalog.

Ngunit ang alimango’y hindi maaaring umakyat sa punongkahoy.  ang pariralang ito ay magiging lalong tama sa pagong; sa aming paniwala, ang alimangong may sipit at mga paa ay maaaring umakyat na katulad ng matsing; madaling naaakyat ng alimango ang alin mang bato, moog, at iba pa.  Ang hindi pagkamaaaring umakyat, na lalong akma sa pagong, ay nagbibigay-daang sapantahin na ang alimango ay wala sa unang kuwento.

Learn this Filipino word:

nakatuntóng sa guhit